“Hipon Girl” ng Wowowin, unang acting project ang OFW story sa Magpakailanman

  • Aktres na rin ngayon ang tinaguriang Hipon Girl ng Wowowin na si Harlene Budol
  • Bibida siya sa isang OFW story sa 7th year anniversary special ng Magpakailanman
  • Excited naman ang fans sa bagong proyekto ng makulit na Wowowin host

Unti-unti nang natutupad ang pangarap ng dati ay contestant lamang ng Wowowin na si Harelene Budol na mas nakilala bilang si Hipon Girl. Mula nang kuhanin siya bilang co-host ni Willie Revillame sa game show, nagsunod-sunod na ang malalaking proyekto para sa kanya.

Ang pinakabagong achievement ni Hipon ay ang pagiging isang ganap na aktres. Sa kanyang debut acting project, sa primetime drama anthology pa siya na Magpakailanman mapapanood. Hindi ito ang life story niya kung hindi kuwento ng isang OFW kaya naman malaking hamon ito para sa dalaga.

Larawan mula sa Facebook page ng Magpakailanman

Pinamagatang “Yaya and I,” gagampanan niya ang role ni Jenny na isang OFW sa Dubai. Dito ay aalagaan niya ang isang batang may kapansanan na gagampanan naman ng child star na si Euwenn Aleta. Iikot ang kuwento sa matiyagang si Jenny na tanging naging mabuting yaya sa bata sa dami ng nag-alaga rito.

Dahil sa mahusay na pag-aalaga ni Jenny, mapapalapit sa kanya ang kanyang amo na si Hany na gagampanan naman ni Mike Agassi. Mahuhulog ang loob ng amo sa role ni Hipon dahil sa lahat ng nakarelasyon niya ay si Jenny lamang ang nagtiyaga sa anak.

Lalong dapat abangan ng manonood ang episode na ito dahil ito ay bahagi ng ika-7 taong anibersaryo ng Magpakailanman sa pangunguna ng batikang journalist na si Mel Tiangco. Makakasama din ni Harlene sa MPK episode si Lotlot de Leon.

Excited naman ang fans ni Hipon sa kanyang unang project. Matatandaang niyakap ng masa si Hipon dahil sa magiliw nitong personalidad nang sumalang bilang Willie of Fortune contestant. Hanggang sa kanyang hosting skills, nananatili ang ‘Squammy’ personality niya na patok sa mga manonood.

Larawan mula sa Facebook page ng Magpakailanman

Maliban sa pagiging regular co-host sa Wowowin, nagkaroon na rin si Hipon ng kanyang sariling single. Mayroon nang milyong views ang kanyang performance ng nakaka-LSS niyang kanta na ‘Talikodgenic Daw Ako’ na nilkha ng kilalang novelty song composer na si Lito Camo.

Mapapanood ang unang acting project ni Hipon Girl ngayong Nobyembre 30 sa GMA Network. Umasa raw sa halo-halong emosyong ibibigay ng isa sa mga rising star ng Kapuso network na si Hipon.

Loading…