Humble beginnings: Balikan ang dating girl group ni Nadine Lustre na Pop Girls

  • Bago naging Multimedia Princess, nagsimula muna bilang simpleng performer si Nadine Lustre
  • Bahagi siya ng all-girl group na Pop Girls na isa sa nagpalaganap ng PPop Music sa bansa
  • Dito nahasa ang pagiging magaling na dancer at singer ni Nadine 

Itinuturing si Nadine Lustre na pinakasikat at pinakamahusay na aktres at performer ng kanyang henerasyon. Simula nang mapanood siya sa pelikulang ‘Diary ng Panget,’ nagsunod-sunod na ang proyekto niya at tinagurian pang Multimedia Princess ng industriya.

Ngunit bago maging matagumpay sa kanyang karera, isang simpleng performer lamang si Nadine noon. Kabilang siya sa all-girl group ng Viva Entertainment na Pop Girls. Sa paglaganap ng KPop o Korean pop music sa bansa, gumawa rin ang Viva ng Filipino counter part ng KPop groups na tinawag na PPop.

Larawan mula sa Facebook page ni Nadine Lustre

Isa sa mga grupong nalunsad ang Pop Girls. Kinabibilangan ito ng limang teenagers na may angking talento sa pagsayaw at pagkanta. Nagkaroon ng audition ang Viva para sa grupo. Lahat ng miyembro ng grupo ay may lahing banyaga, maliban lamang kay Lustre.

Nakasama sa mga orihinal na miyembro ng Pop Girls sina Lailah at Mariam Bustria, kambal na half-Lebanese; si Rose Van Ginkel na half-Dutch naman; half-Swiss na si Shy Carlos; at si Lustre na noon ay 15 taong gulang lamang.

Nagkaroon ng album at patok na kanta ang grupo tulad ng ‘Crazy Crazy’ at ‘Urong Sulong.’ Napasama ang mga ito sa local hit charts ng mga music channel at radio station. Pinalad rin ang Pop Girls na makasama sa defunct musical variety show ng GMA Network na Party Pilipinas kasama ang isa pang PPop group na XLR8.

Nagtagal ang grupo sa show sa loob ng tatlong taon. Matapos ang deal sa GMA Network, nagkaroon ng bagong oportunidad ang ilang miyembro ng Pop Girls na sina Lustre at Carlos na umarte at mapabilang sa ilang drama show.

Larawan mula sa Facebook page ni Nadine Lustre

Napasama sina Lustre at Carlos sa weekly youth oriented show na Bagets: Just Got Lucky na nilikha ng Viva Entertainment. Mula rin sa Party Pilipinas, lumipat ang Pop Girls sa Saturday variety show ng TV5 na Hey It’s Saberdey.

Dumating ang big break ni Lustre nang mapili siya na gumanap na leading lady ni James Reid sa pelikulang ‘Diary ng Panget.’ Naging freelancer sina Lustre at Reid pansamantala at naging regular guest sa GMA variety show na Sunday All Stars bago naging opisyal na Kapamilya noong 2014.

Tara’ng sumilip sa video na ito ng Pop Girls:

Loading…