Isang kongresista, nais pagbawalan ang mga edad 13 pababa sa paggamit ng social media

  • Nais ng isang kongresista na ipagbawal na ang paggamit ng social media sa mga edad 13 anyos pababa
  • Gusto rin niya na malimitahan sa 30 minuto kada araw ang screen time ng mga edad 14 hanggang 17
  • Ito raw ay para maiiwas ang mga kabataan sa madalas na paggamit ng social media na may negatibong epekto sa kanilang kalusugan

Sa panahon ng makabagong teknolohiya, maging ang mga bata ay mayroon nang access sa mga gadgets. Bahagi na rin ng pamumuhay ng maraming kabataan ang pagbababad sa iba’t ibang online games, panonood ng video sa YouTube, at maging pagbababad sa social media.

Ngunit sa isang inihaing panukalang batas sa kongreso, mukhang tapos na ang oras ng ilang menor de edad sa paggamit ng social media sites. Sa House Bill 5307 o Social Media Regulation and Protection Act of 2019 kasi ni Laguna Representative Dan Fernandez, bawal na sa social media ang mga batang edad 13 anyos pababa.

Larawan mula sa Pexels

Ayon kay Fernandez, sa pamamagitan ng kanyang panukala, mas mapaiigting ng mga social media networks tulad ng Facebook, Twitter, at Instagram ang kanilang terms of service at hindi na pahihintulutang makagawa ng account at makagamit ng social media sites ang mga nasa edad 13 pababa.

Maliban sa pagbabawal sa paggamit ng social media ng mga edad 13 anyos pababa, nais din ng House Bill 5307 na magkaroon ng “natural stopping points” ang mga social media apps na magpapahinto sa mga user sa pag-scroll at pagbabasa ng contents at posts sa isang partikular na social media site para naman sa mga edad 14 hanggang 17.  Kinakailangan daw na mayroong limitasyong 30 minuto kada araw ang paggamit ng social media upang hindi makasama sa mga netizens.

Sa ganitong paraan din daw ay mapoprotektahan ang mga kabataan dahil agad na malalaman ng mga magulang kung gumagamit ba ng social media sites ang kanilang anak. Makaiiwas na rin umano ang mga kabataan sa mga negatibong epekto ng social media sa kanilang kalusugan at kalagayang mental na napatunayan na rin sa ilang mga pag-aaral.

Larawan mula sa Pexels

Isang mabisang solusyon din umano ito upang matutukan ng mga menor de edad ang kanilang edukasyon at hindi ituon ang oras nila sa paggamit ng social media, at mas makapaglalaan ng oras para sa pamilya at mga kaibigan.

Gayunman, sa Terms of Service ng Facebook, hindi na talaga pinahihintulutan ng pinakamalaking social media site ang mga batang may edad 13 anyos pababa na gumamit o gumawa ng account. Ngunit ang ginagawa ng mga kabataan ay dinaragdagan ang kanilang edad upang makagawa ng Facebook account.

Loading…