Isang video game na gawa ng mga estudyante ng St. Benilde, tuturuan kang magluto ng lumpia

  • Gumawa ng laro ang mga mag-aaral ng DLSU – College of Saint Benilde tungkol sa pagkaing Pinoy
  • Isa sa mga lutuing ituturo sa cooking game ay ang pagluluto ng paborito ng mga Pinoy sa handaan na lumpia
  • Ang laro ay ginawa ng mga mag-aaral para sa kanilang game development course

Sa mga handaan, lumpia ang unang hinahanap ng mga bisita. Walang duda na patok sa panlasa ng mga Pilipino ang lumpia, na karaniwang shanghai at sariwa ang luto, at sinasabing ang bagong star ng mga okasyon at handaan.

Pero ang totoo, hindi naman lahat sa atin ay marunong magluto ng lumpia. Taga-kain lamang ang marami sa atin kaya naman naisipan ng mga mag-aaral mula sa De La Salle University  – College of Saint Benilde na gumawa ng isang mobile game na magtuturo sa mga manlalaro nila kung paano magluto ng lumpia at iba pang lutuing Pinoy.

Larawan mula sa Facebook page ng MEOWFIA

Ipinagmalaki ng 21-anyos na game artist na si Ichicko sa kanyang Twitter account ang na-develop na laro ng Team MEOWFIA na tinawag na ‘Taste of Home.’ Isa itong cooking game na nakatuon sa pagluluto ng mga putaheng Pinoy kabilang ang lumpia.

Bahagi daw ito ng kanilang kanilang thesis project para sa kanilang game development course. Ang laro ay iikot kay Maricela, na maglalakbay sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at sasailalim sa cooking classes ng kanyang mga mentor.

Isa sa mga highlight ng laro ay ang pagluluto ng lumpiang sariwa. Sabi ni Ichicko sa kanyang tweet, dahil daw trending ang ‘how to make lumpia’ sa Twitter, naisipan niyang ibahagi bilang teaser ang paraan kung paano magluto ng lumpiang sariwa na bahagi ng Taste of Home.

Sa teaser, makikita kung paano inilalagay ang mga sangkap na gulay at karne sa lumpia wrapper. Itinuturo din sa laro kung paano ang wastong paraan ng pagbalot ng mga palaman ng lumpia. Mayroon ding special sauce na inilalagay sa nabalot na lumpia.

Larawan mula sa Facebook page ng MEOWFIA

Hindi pa maaaring laruin ng publiko ang Taste of Home ngunit isasama ito sa Incendium exhibit sa St. Benilde sa Nobyembre 27 hanggang 28. Kapag naging matagumpay daw ang kanilang thesis project, hindi malabo na maglabas sila ng demo edition para malaro naman ng ibang Pilipino ang kanilang cooking game.

Ngayon pa lamang ay nagpapasalamat na sina Ichicko at ang Team MEOWFIA dahil sa mga positibong komento ng mga netizen sa kanilang laro.

Source :

Facebook, Twitter

Loading…