Jay Taruc, iniwan ang trabaho bilang journalist para sa kanyang interes sa motorsiklo

  • Umalis na bilang journalist ng GMA Network si Jay Taruc
  • Ito ay para makapag-focus siya sa passion niyang motorsiklo
  • Nais din daw niyang maglaan ng oras para sa kanyang pamilya

Isa sa mga award winning journalist ng Pilipinas si Jay Taruc. Maliban sa pagiging kilalang reporter ng GMA News and Public Affairs, kilala rin siya bilang isa sa mga dokumentarista ng I-Witness at nag-uwi pa nga ng iba’t ibang parangal mula dito sa Pilipinas at sa abroad.

Kamakailan lamang, nag-contract signing ang mga host ng I-Witness sa Kapuso Network. Ngunit kapansin-pansin na apat lamang sa limang host ang dumalo, na kinabibilangan nina Kara David, Howie Severino, Sandra Aguinaldo, at ang baguhan sa show na si Atom Araullo. Marami ang nagtataka kung nasaan si Taruc.

Larawan mula sa Facebook

Sa isang panayam para sa Esquire Philippines, sinabi ni Taruc na opisyal na niyang iniwan ang trabaho bilang journalist dahil sa iba’t ibang rason; isa na ang pag-pursue sa passion niya sa mga motor. Nalaman ng mga Pilipino ang interes ni Taruc sa motor nang gawin niya ang show sa GMA News TV na Motorcycle Diaries kung saan gumagawa siya ng istorya gamit ang kanyang motorsiklo.

Ngunit matagal na raw na interes ni Taruc ang pagmomotor. Early 2000s pa raw nang maging rider siya at nagsimulang mangolekta ng iba’t ibang uri ng motor, kabilang ang mga big bike. Kaya naman nang tapusin ng GMA ang show niyang Motorcycle Diaries, naisipan ni Taruc na mag-focus na lamang sa kanyang interes na motorsiklo.

Taong 2017 nang mawala sa ere ang Motorcycle Diaries, pero patuloy niyang ginagawa ang I-Witness. Nang gumawa ng dokyu tungkol sa traffic ng Metro Manila, dito niya naisip ang kontribusyon at kahalagahan ng riders sa bansa.

Nagpaalam daw si Taruc sa kanyang mga boss sa GMA upang lisanin ang kanyang trabaho bilang documentarist ng I-Witness at naisipang mag-produce ng show na tungkol sa mga nagmo-motor sa bansa, ang Ride PH. Siya ang producer at isa sa mga hosts ng show kung saan ipinakikita ang edukasyon at suporta sa mga riders sa bansa. Gumagawa na rin si Taruc ng mga events ngayon para sa kanyang mga kapuwa motorcycle enthusiasts.

Larawan mula sa GMA News

Inilahad rin ni Taruc na kailangan niya ring maglaan ng mas maraming oras para sa pamilya kaya iniwan ang trabaho bilang full time journalist. Mayroon kasing karamdaman ang kanyang anak na kailangan niyang bantayan.

Sabi ni Taruc, dumarating daw kasi noon sa puntong kailangan niyang putulin ang araw ng pamamalagi sa isang lokasyon ng kanilang coverage para makauwi agad sa anak. Ngayong hawak na niya ang oras bilang isang producer, mas may oras na ito para sa kanyang pamilya.

Goodluck, Jay Taruc!

Loading…