Journalist na si Anthony Taberna at asawa, nagdiwang ng “Metsary” o anibersaryo ng una nilang pagkikita

  • Trending ngayon sa social media ang kakaibang selebrasyon ni Anthony Taberna at kanyang asawa
  • Mayroon kasi silang METSARY o anibersary ng kanilang unang pagkikita
  • Kasabay nito ay pagpapabatid ni Taberna ng sweet na mensahe para sa kanyang misis

Madalas nating mapanood sa telebisyon ang journalist na si Anthony Taberna na inilalahad ang kanyang opinyon sa maiinit na isyu sa bansa. Madalas din siyang magbahagi ng kanyang komentaryo sa kanyang radio show na nagbigay sa kanya ng iba’t ibang parangal. Dahil dito, isa na siya sa mga tinitingalang personalidad sa larangan ng pamamahayag.

Ngunit ang matapang na imahe ni Taberna ay saglit na napalitan ng isang romantikong lalaki nang ibahagi niya sa kanyang Facebook account ang nakakakilig na pagdiriwang nila ng kanyang asawa na si Rossel. Kaiba kasi sa mga magkasintahan, nagdiriwang sila ng kanyang misis ng anibersaryo ng kanilang unang pagkikita.

Larawan mula sa Facebook account ni Anthony Taberna

Ayon sa post ni Taberna, “Metsary” daw ang tawag dito ng kanyang asawa. Ito ang pagbabalik-tanaw sa kanilang naging unang pagkikita at pagkakakilala sa isa’t isa.  Natatawa pa nga si Taberna sa terminong pinauso raw ng kanyang asawa, ngunit ang diwa raw ng selebrasyon nito ang mas mahalaga.

“Ang misis ko ang nag-imbento ng terminong ito – METSARY. Ikaw ba naman ang nakapag-asawa ng Millenial. Pero kahit ano pa ang tawag, talaga naman kaysarap alalahanin at balikan ang mga eksena kung paano ko unang nasilayan ang kanyang ganda,” bungad ni Taberna sa kanyang post.

Isinalaysay rin niya ang mga naganap sa kanilang unang pagkikita ng asawa. Ayon sa mamamahayag, nagkita raw sila sa convenience store na 7-Eleven sa may Mendiola noong November 11 (11-11), 14 taon na ang nakalilipas. Nang makita raw ni Taberna si Rossel noon ay nahumaling na siya sa ganda ng kanyang misis. Hindi raw naging hadlang ang kanilang edad para ipagpatuloy ang istorya ng kanilang pagmamahalan.

“Habang nakatayo sa tapat ng 7-Eleven sa Mendiola noong 11-11 o November Eleven 14 years ago. Eksaktong 4:11 ng hapon, kumabog agad ang puso ko sa babaeng makakasama ko na pala habang ako ay nabubuhay. Kahit na 11 years pa ang tanda ko sa kaniya, pinatos ko na – ganda kasi eh!” pabiro ngunit nakakikilig na pahayag ng Kapamilya journalist.

Larawan mula sa Facebook account ni Anthony Taberna

Mahalaga raw para sa kanilang mag-asawa na ipagdiwang ang kanilang “Metsary” dahil ito raw ang isa sa mga mahahalagang regalo sa kanila ng Panginoon. Ang araw daw na pinagtagpo sila ang  bumago sa kanilang mga buhay.

“Ganda ng tanong mo kanina pagkatapos nating magdinner at magharutan sa 7-11, paano kaya kung hindi tayo nagkatagpo? Napakahirap palang sagutin dahil wala naman akong naiisip na ibang senaryo na hindi ikaw ang kasama ko. Ah basta, ang alam ko ay ibinigay sa akin ng Panginoon ang eksena sa 7-11 dahil parte yun ng proseso na ibinibigay ka na Niya sa akin,” dagdag ni Taberna.

Trending na ang post na ito ni Taberna na mayroon nang 43,000 reactions, 2,700 comments, at 3,400 shares sa Facebook.

Loading…