Judy Ann Santos, Best Actress sa Cairo International Film Festival para sa pelikulang ‘Mindanao’

  • Wagi si Judy Ann Santos bilang Best Actress sa Cairo International Film Festival
  • ito ay para sa kanyang pelikula na entry din sa MMFF na Mindanao
  • Si Judy Ann ang ikalawang Pinay na nanalo sa nasabing film fest kasunod ni Nora Aunor

Sikat ngayon ang ABS-CBN teleserye na ‘Starla’ na pinagbibidahan ng Queen of Pinoy Soap Opera na si Judy Ann Santos. Ngayon, mas nagniningning ang bituin ni Judy Ann matapos siyang parangalan ng 41st Cairo International Film Festival.

Itinanghal na Best Actress si Judy Ann para sa pelikulang Mindanao, na official entry rin 2019 Metro Manila Film Festival. Ginanap ang awarding sa Cairo Opera House, Cairo, Egypt. Ang Mindanao ay pelikula ng isa pang internationally acclaimed director na si Brillante Mendoza.

Larawan mula sa production staff ng Mindanao

Ito ang ikalawang Best Actress award ng isang Filipino actor mula sa Cairo International Film Fest. Unang naiuwi ng Superstar na si Nora Aunor noong 1995 ang Best Actress award para sa pelikulang The Flor Contemplacion Story.

Kasama ni Judy Ann sa nasabing pelikula ang aktor na si Allen Dizon. Bago ang parangal mula sa Cairo at maging opisyal na MMFF entry, naipalabas na rin sa ilang film festival ang pelikulang Mindanao. Naitampok ito sa Busan International Film Festival sa South Korea na dinaluhan pa nina Judy Ann at direk Brillante.

Naipalabas na rin ang Mindanao sa  23rd POFF Talinn Black Nights Film Festival sa Estonia at sa 32nd Tokyo International Film Festival sa Japan.

Nakuha rin ng Mindanao mula Cairo Film Fest ang Henry Barakat Award for Best Artistic Contribution. Itinanghal naman bilang Best Actor ang Mexican actor na si Juan Daniel Garcia Trevino para sa pelikulang I’m No Longer Here.

Larawan mula sa Instagram account ni Judy Ann Santos

Sumasalamin ang kuwento ng Mindanao tungkol sa pagmamahal ng isang ina sa kanyang may karamdaman na anak habang ang kanyang asawa ay nagsisilbi bilang isang military medical officer sa Maguindanao.

Graded A naman ng Cinema Evaluation Board ang Mindanao. Mas malaki naman ang tsansa ni Judy Ann na iuwi ang best actress trophy ng MMFF ngayong taon dahil sa nakuhang parangal sa Cairo.

Loading…