King ni Queen Mother: Karla Estrada, ipinakilala ang kanyang bagong nobyo sa unang pagkakataon

  • Ipinakilala ni Karla Estrada sa unang pagkakataon ang kanyang bagong nobyo
  • Ayon kay Karla, kinakabahan siya para sa nobyo dahil hindi ito sanay sa atensyon ng media
  • Noong Hunyo raw sila unang nagkita ng bagong nobyo

Maganda ng takbo ng buhay pag-ibig ng mga taong nakapaligid kay Queen Mother Karla Estrada. Masaya ang kanyang anak na si Daniel Padilla sa kanyang nobya na si Kathryn Bernardo, habang ang best friend naman niyang si Vice Ganda ay naging bukas na sa relasyon nito kay Ion Perez.

Ngunit sa mga nag-aakalang walang pag-ibig si Karla, ginulat niya ang kanyang fans sa pagpapakilala ng kanyang nobyo sa unang pagkakataon sa kanyang talk show na ‘Magandang Buhay.’ Sa bahagi ng pagdiriwang ng kanyang kaarawan sa show, naging espesyal na panauhin si Jam Ignacio, ang bagong boyfriend ni Karla.

Larawan mula sa Instagram account ni Karla Estrada

Ayon sa kuwento ni Jam sa mga host na sina Jolina Magdangal at Melai Cantiveros, nagkakilala raw sila ni Karla noong Hunyo. Madalas daw silang magkatitigan na bandang huli ay nauwi sa pagiging magkaibigan. Naging madalas daw ang kanilang paglabas kung saan mas nakilala nila ang isa’t isa at nagkapalagayan sila ng loob.

“Iyong madalas na kaming magkasama, mas nakilala ko siyang mabuti. Oo, hindi naman siya mahirap mahalin,” sagot ni Jam sa tanong ni Jolina kung kailan niya naramdaman ang pag-ibig kay Karla.

Si Karla naman, bagama’t proud sa kanyang nobyo ay kinakabahan daw na iharap sa publiko ang bagong nobyo. Ayon sa kanya, hindi naman daw kasi sanay si Jam sa atensyong nakukuha ngayon. Pero dahil deserve naman nilang sumaya kaya dapat ibahagi ang kanilang magandang kuwento.

“Actually ninenerbyos ako para sa kanya kasi hindi naman talaga siya sanay at saka hindi naman niya inaakala ito,” sambit ni Karla.

Larawan mula sa Instagram account ni Karla Estrada

Kahit daw si Karla ay hindi sanay na magpakilala ng kanyang nobyo sa publiko. Kahit daw ang mga ama ng kanyang apat na anak ay hindi naman naging lantaran ang kanyang relasyon. Ngunit na-inspire daw siya ng kaibigang si Vice na inilahad ang relasyon kay Ion kamakailan lamang.

Nang matanong naman kung paano tinanggap ng mga anak ni Karla, partikular si Daniel, ang relasyon niya kay Jam, tugon ni Karla, cool lang naman daw ang mga anak niya at maganda ang ugnayan sa kanyang nobyo. Nagpupunta na rin umano si Jam sa bahay ni Daniel na isang indikasyon na maganda ang samahan nila.

Loading…