Lalaking may kapansanan sa paa, gumawa ng scooter para masakyan niya papasok sa eskwelahan

  • Isang lalaking may kapansanan sa Ormoc City ang gumawa ng paraan upang makapasok siya sa paaralan sa kabila ng kalagayan
  • Gumawa siya ng isang scooter na yari sa kahoy na sinasakyan niya papasok sa paaralan
  • Ayon sa lalaki, hindi hadlang ang kanyang kondisyon upang hindi siya makapagtapos ng pag-aaral

Kung para sa iba, ang pagpasok sa eskwelahan ay isinasawalang bahala lamang, mayroon namang mga mag-aaral na hahamakin ang lahat makapag-aral lamang. Mayroong mga tumatawid sa hindi maayos na tulay, may mga naglalakad ng kilo-kilometro, at may ilan namang tinitiis ang kalam ng sikmura at pumapasok kahit walang baon.

Patunay dito ang kuwento ng isang 22 anyos na lalaki sa Ormoc City, Leyte na sa kabila ng kapansanan ay ginagawa ang lahat upang magkaroon ng maayos na edukasyon. Sa isang episode ng award winning documentary ng GMA News na Front Row, naitampok ang kuwento ni Angelo Arradaza na mayroong mahihinang paa at hindi makapaglakad, ngunit gumawa ng paraan para makapasok pa rin sa eskwelahan.

Larawan mula sa YouTube video ng GMA News

Ayon sa ina ni Angelo, nang isilang niya ang anak ay batid na nilang mayroon itong kakaibang kondisyon. Nakabaluktot daw ang mga paa at kamay nito at tila hirap iunat ang mga ito. Sa paglaki ni Angelo, nagkaroon na nga siya ng suliranin sa paglalakad dahil sa mahinang mga buto nito sa paa na halos nakabaluktot na lamang.

Sinubukan daw ng mga magulang ni Angelo na ipagamot ang kondisyon ng anak, ngunit sabi ng mga espesyalista ay hindi na magkakaroon ng lakas ang kanyang mga paa, maging ang kamay nito na may halos katulad na kalagayan sa kanyang mga paa.

Noong unang taon daw na pumasok si Angelo sa paaralan ay 14 anyos na ito. Noon daw ay hindi pa ganoon kabigat ang timbang niya kaya naisasakay pa siya ng ina sa kalabaw papasok sa eskwela. Ngunit ngayon daw, dahil na rin sa nagkakaedad na ang kanyang ama’t ina, hindi na rin siya maipasan.

Ayaw naman daw pumayag ni Angelo na isang beses sa isang linggo lamang siya papasok. Wala raw siyang matututunan kaya gumawa siya ng sariling paraan upang makapasok. Isang gabi raw, bago siya matulog ay naisipan niya ang disenyo ng gagawing sariling sasakyan para magamit niya sa pagpasok sa eskwelahan.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ng GMA News

Dahil may angking husay sa pagguhit, naiplano nang maayos ni Angelo ang kanyang munting scooter. Nagpahanap daw siya ng mga piraso ng kahoy sa kanyang ina. Halos lahat ng bahagi ng kanyang scooter ay gawa sa kahoy, maliban sa side mirror, gulong, at preno nito.

Hinihila si Angelo ng kanyang nanay, tatay, o ‘di kaya naman ay ng kanyang pamangkin para umandar ang kanyang scooter. Aniya, ito na ang pinakamadaling paraan upang maihatid at sundo siya sa eskwela. Kapag daw nadaraan sila sa malubak na bahagi ng kanilang barangay, hindi raw maiwasan na mahulog siya sa kanyang scooter. Gayunman, hindi naman daw ito hadlang para pumasok siya sa eskwela at matuto. Pangarap niya raw kasing makapagtapos ng pag-aaral upang magbunga ang sakripisyo ng kanyang mga magulang.

Loading…