Langhap-sarap at bida ang saya: Isang netizen, literal na nag-ulam ng ‘Jollibee’

  • Ibinida ng isang netizen ang kanyang ulam na Jollibee
  • Pero literal na “Jollibee” ang ulam niya dahil isang laruang Jollibee ang kasama ng kanyang kanin
  • Maraming netizen naman ang natuwa sa kakaibang ulam ng netizen at umani ng maraming shares

Paborito ng maraming Pilipino ang mga pagkain sa fast food giant na Jollibee. Patok sa marami sa atin ang kanilang masasarap na putahe tulad ng Chickenjoy at Jolly Spaghetti na swak na magkapareha. Ang ilan naman ay gustong-gusto ang burger steak, Jolly Crispy Fries, at Yumburger. Ito rin ang dahilan kung bakit dumami ang branches ng Jollibee dito sa Pilipinas at ibang bansa.

Madalas din na ang pagkain sa fast food restaurant na ito ay simbolo sa ilang Pinoy na mayroong budget para sa masarap na pagkain. Kung hindi kakain sa mismong restaurant, pwede namang umorder ng takeout o magpa-deliver.

Larawan mula kay Jhn Phl Gnzals

Pero trending ang isang netizen dahil sa ipinagmalaki niyang ulam na “Jollibee.” Hindi anumang pagkain mula sa fast food ang ulam niya, kung hindi literal na si Jollibee ang kasama ng kanyang isang platong kanin.

Ibinahagi ni Jhn Phl Gnzals sa kanyang Facebook account ang ulam niyang Jollibee. Isang maliit na laruang Jollibee ang literal na kasama ng kanyang kanin na uulamin niya raw. Ang maliit na laruan ay ang kasalukuyang Jolly Kiddie Meal toy ng nasabing fast food restaurant.

“Hindi naman sa nagmamayabang pero Jollibee ulam ko ngayon,” ang pabirong sabi ng netizen sa kanyang post na bumenta naman sa maraming netizen. Isang araw matapos niyang i-post ang kanyang “ulam” na Jollibee, umani na ito ng higit 11,000 reactions.

Maraming netizen naman ang hindi napigilang magkomento at i-share ang post na ito ni Gnzals para naman maghatid rin ng good vibes sa ibang social media users. Mayroon nang higit 3,700 comments at 36,000 shares.

Larawan mula kay Jhn Phl Gnzals

Dahil sa post ni Gnzals, maraming netizen ang natakam sa Jollibee. Sabi nila, sa ulam daw niya matitikman ang tunay na langhap-sarap dahil siya pa lamang ang nakaisip na kumain ng literal na “Jollibee” sa buong Pilipinas.

Ang ilan naman ay nakakuha ng ideya sa literal na Jollibee na ulam ni Gnzals. Pwede na raw nilang ipimaglaki rin sa kanilang mga kakilala na “Jollibee” ang kanilang ulam kahit araw-araw pa.

Loading…