“Love Shines”: Maningning na mensahe ng Christmas Station ID ng Kapuso Network ngayong 2019

  • Inilunsad ng Kapuso Network ang kanilang Christmas Station ID para sa taong ito
  • “Love Shines” ang tema ng kanilang pamasko para sa kanilang loyal Kapuso viewers
  • Kinatampukan ito ng mga Kapuso personalities at mga ordinaryong tao na na-feature nila sa kanilang ilang programa tulad ng KMJS at Wowowin

Kapag dumarating ang panahon ng Kapaskuhan, bukod sa Christmas bonus at mga regalo, marami na rin ang nakaabang sa Christmas station ID ng iba’t ibang TV station sa bansa. Ang mga kanta at konsepto kasing ibinabahagi sa mga ito ay nagiging bahagi na rin ng pagdiriwang ng Pasko ng maraming Pilipino. Ginagamit ito sa mga party, caroling, o simpleng sound trip sa kani-kanilang tahanan.

At ngayong taon, naunang naglabas ng kanilang Christmas station ID ang GMA Network. Kinatatampukan ito ng kanilang mga pinakasikat na artista at performers: maging ng mga haligi ng news and public affairs. Dahil pagmamahal ang simbolo ng GMA bilang Kapuso network, ngayong taon ay napili nila ang temang “Love Shines” bilang simbolo na sa panahon ng Kapaskuhan, pagmamahal sa kapuwa at pamilya ang dapat manaig.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Present sa Christmas station ID ang mga Kapuso royalties na sina Marian Rivera, Dingdong Dantes, Alden Richards, at Maine Mendoza. Bumida naman sa pagkanta ng “Love Shines” theme song ang ilang GMA singers katulad nina Aicelle Santos, Christian Bautista, Jennylyn Mercado, Julie Anne San Jose, Rita Daniela, Tom Rodriguez, Lovi Poe, at The Clash graduates.

Bumungad rin sa mga manonood ang spiels ng mga Kapuso anchors na sina Jessica Soho, at Mel Tiangco, Mike Enriquez. Kasama rin nila sina Carla Abellana, Derek Ramsay, Heart Evangelista, at ang comedy genius na si Michael V.

Ngunit ang agaw pansin sa video ng Kapuso Network ngayon ay ang pagbida rin ng mga taong naitampok nila sa iba’t ibang show na nagbigay inspirasyon din sa mga manonood. Sila ang naghatid ng mensaheng Love Shines na sa kahit anumang suliraning kinahaharap sa buhay ay kailangan pa ring manaig ang pagmamahalan.

Ilan sa mga sinurpresa ng Kapuso personalities ay ang mga nag-viral na sina Nanay Cristina at Juan Carlos. Ang kuwento nila ay umantig sa maraming netizens dahil kailangang buhatin ng ina ang kanyang 22-anyos na anak papasok sa paaralan dahil sa karamdaman nito.

Larawan mula sa GMA Network

Kabilang din sa mga nasurpresa ay ang matiyagang batang nagtitinda ng tinapa upang mayroong pambaon sa paaralan, si Andrew na ipinagmalaki sa Wowowin ang kanyang basurerong ama, at ang survivor at rescuers sa nangyaring lind0l sa Pampanga noong Mayo.

Maraming netizens naman ang natuwa dahil sa magandang konsepto ng GMA para sa kanilang Christmas station ID. Simple man daw ito ngunit talagang tumagos sa kanilang mga puso ang mensahe nito. Epektibo raw ang pagdaragdag ng mga kuwentong pumatok sa Internet dahil maraming viewers ang naka-relate sa kanila.

Tara nang pag-aralan ang kanilang Love Shines bilang pakikiisa sa ningning ng pagmamahalan:

Source :

YouTube, Facebook

Loading…