Lovi Poe gagawa ng pelikula sa ABS-CBN streaming service na iWant; magiging Kapamilya na nga ba?

  • Gagawa ng pelikula si Lovi Poe sa ABS-CBN streaming service na iWant TV kasama si Zanjoe Marudo
  • Sa ilalim ito ng produksiyon ng Dreamscape Entertainment na gumawa ng trending digital movie na ‘Glorious’
  • Dahil dito, may espekulasyon na lilipat na sa Kapamilya network si Lovi na pinabulaanan naman ng aktres

Isa sa mga kinikilalang prime actress ng Kapuso network ang anak ni Fernando Poe, Jr. na si Lovi Poe. Dahil sa kanyang husay sa pag-arte ay nagkaroon siya ng iba’t ibang drama projects sa GMA Network na siya ang lead role, kabilang ang “Someone To Watch Over Me” na napapanood na rin sa ibang bansa ngayon.

Pero ang Kapuso prime actress, hindi sa GMA ang susunod na proyekto kung hindi sa kabilang istasyon na ABS-CBN. Nakatakdang mapanood si Lovi sa isang original digital movie sa streaming service ng Kapamilya network na iWant.

Sa isang Instagram post ng Dreamscape Entertainment head na si Deo Endrinal, inilahad nitong si Lovi ang susunod na leading lady ni Zanjoe Marudo sa kanilang ginagawang digital movie.

Larawan mula sa Instagram post ni Deo Endrinal

Kinukuhanan ang mga eksena ng pelikula sa Italy habang ang larawang ibinahagi naman ni Endrinal ay kuha sa Matera, Basilicata. Ang magiging direktor ng pelikula na wala pa ring titulo sa ngayon ay si Connie Macatuno, ang direktor ng trending iWant movie na Glorious nina Tony Labrusca at Angel Aquino.

Dahil sa kanyang bagong proyekto sa ABS-CBN at sa pag-guest ni Lovi sa isang Kapamilya show kamakailan, marami ang nagtatanong kung magiging Kapamilya na raw ba ang anak ni FPJ. Napanood kasi si Lovi sa morning show na ‘Magandang Buhay’ kung saan nag-promote siya ng pelikula niyang The Annulment kung saan isa pang ABS-CBN talent na si Joem Bascon ang kanyang leading man.

Pero ayon mismo kay Poe, isa pa rin siyang contract artist ng GMA Network hanggang sa susunod na taon kaya naman malabo raw sa ngayon na maging Kapamilya siya. Bagama’t walang primetime series si Lovi ngayon, naging abala naman siya sa ilang guestings sa ilang GMA shows kabilang ang Magpakailanman, Tadhana, at Sunday PinaSaya kung saan sila nagkaayos ni Marian Rivera.

Masaya ring ibinahagi ni Lovi sa kanyang Instagram account ang kanyang larawan sa recording ng GMA Christmas Station ID na Love Shines kung saan isa siya sa mga kumanta ng jingle. Ayon sa fans, indikasyon daw ito na masaya pa rin si Lovi sa piling ng Kapuso network.

Larawan mula sa Instagram post ni Lovi Poe

Kamakailan din ay pumirma si Lovi ng recording contract sa isa pang talent agency na Viva Entertainment. Masayang-masaya si Lovi na magkaroong muli ng album dahil ang huli pa niya ay inilabas noong 2008.

Gayunman, ayon sa kanyang mga fans, kung magkakaroon man ng career move si Lovi sa susunod na taon ay susuportahan pa rin nila ang aktres. Ang mahalaga daw ngayong ay sunod-sunod ang mga proyekto nito, anumang network ang humahawak.

Source :

Instagram, PEP

Loading…