Lucky tip: Bartender, nanalo ng malaking halaga mula sa lotto ticket na ibinigay sa kanya bilang tip

  • Isang bartender mula US ang nanalo ng $50,000 sa lotto
  • Mula sa tip ng isang customer ang kanyang winning lotto ticket
  • Wala pang balak gawin ang bartender sa kanyang napanalunan

Para sa mga trabahong nagbibigay serbisyo sa mga customer, ang tip ay isa sa mga pinagkukunan ng karagdagang kita. Ilan sa mga trabahong malakas makakuha ng tip ay mga serbidor sa mga kainan at restawran, mga staff sa hotel, at mga drayber ng pampasaherong sasakyan gaya ng taxi.

Pero ang isang bartender sa Missouri, United States, may pinakamalaki at pinakasuwerteng tip na nakuha mula sa kanyang customer; hindi salapi, kung hindi lotto ticket. At ang lotto ticket mula sa isang regular na customer ay nagkataon namang tumama noong sumunod na araw.

Larawan mula sa istock photos

Kuwento ng bartender na si Taylor Russey, 33 anyos, lagi raw nagbibigay ng tip ang isang lalaking customer kapag pumupunta sa Bleacher’s Bar na pinagtatrabahuhan niya. Maliban daw sa salapi, nakaugalian na raw talaga nitong bumili ng lottery ticket para sa kanila.

Isang gabi raw ay pumunta ang customer na iyon na ayaw daw mapangalanan, at katulad ng nakagawian ay namigay ng pera at Powerball lotto ticket. Kinabukasan, ang terminal daw ng lotto sa kanilang bar ay nag-anunsiyo na ang nanalong kombinasyon ay naibenta sa kanilang branch.

Nang marinig dawn ni Russey ang anunsiyo, nagbiro pa raw siya na kung sinuman ang nanalo ay sinikreto daw sa kanila. Pero wala daw sa mga kasamahan niya ang nanalo. Tamang-tama naman daw na naalala niyang namigay pala ang customer nila ng lotto ticket nung kinagabihan.

Tinignan niya ang lottery ticket na meron siya. Nakita niyang apat sa limang winning numbers ay tugma sa hawak niyang ticket, kasama ang Powerball. Agad siyang nagpunta sa terminal ng Bleacher’s Bar upang kunin ang kanyang premyo.

Larawan mula sa Pexels

Gayunman, sabi ng branch ay kailangan niyang pumunta sa opisina ng lottery office dahil sa laki ng premyo na $50,000 o katumbas ng P2.5 milyon. Napatalon daw siya sa tuwa at hindi na rin napigilang umiyak dahil sa premyong napanalunan.

Kahit daw marami na siyang pera ngayon, wala pa raw siyang plano sa kanyangf napanalunan. Hindi rin daw niya ihihinto ang kanyang trabaho bilang bartender dahil alam niyang mauubos din naman ang kanyang premyo at kakailanganin pa rin niyang magtrabaho.

Loading…