Made in the Philippines: Mga parol mula sa Pampanga, tampok sa Egypt at UAE

Imahe mula sa Facebook | Susan B Lovejoy
  • Parte na ng tradisyon ng mga Pilipino tuwing Pasko ang magsabit ng parol sa kanilang mga bahay
  • Bumida ang mga parol na gawa ng mga taga San Fernando, Pampanga sa isang charity event sa Egypt kamakailan
  • Bukod dito, kasama rin ang mga ito sa isang festival na gaganapin sa Abu Dhabi, UAE

Tuwing panahon ng Kapaskuhan ay hindi mawawala ang mga makukulay at maliliwanag na parol na nagsilbi na ngang simbolo ng Paskong Pinoy.

Ang liwanag at ningning ng mga ito, unti-unti na ring nakikita sa ibang bansa. Kamakailan lamang ay itinampok ang mga parol na gawa sa San Fernando City, Pampanga sa isang charity event sa Egypt.

Imahe mula sa PNA

Ang mga certified Filipino-made parol na gawa sa capiz ay kabilang sa mga pagkain, handicraft, at iba pang produkto mula sa iba’t ibang bansa sa mga bumida sa Asian Food and Crafts Charity Bazaar na pinangunahan ng Asian Diplomats’ Spouses Association.

Binigay rin ang mga ito bilang souvenir sa mga guest ng event. Kabilang sa mga nakatanggap nito ang asawa ni Egyptian Prime Minister Mustafa Madbouly na si Iman Hassaballah.

Layunin ng bazaar na matulungan ang Light and Hope Association for blind women in Egypt, Dar El Hana Orphanage, at ang St. Joseph Parish Informal Education Center for Eritrean children refugees, sabi ni Priscilla Confiado, Presidente ng Adsa at asawa ni Ambassador Sulpicio Confiado.

Imahe mula sa Love Pilipinas

Samantala, ginamit naman ang mga parol ng Holy Family Parish sa Cairo bilang dekorasyon para sa kanilang Simbang Gabi. Aabangan naman ng mga Pilipino sa UAE ang “Paskong Pinoy in the Year of Tolerance: A Christmas Concert”  sa Disyembre 6 kung saan magbibigay-kulay rin ang mga parol.

Una nang idinisplay ang mga ito sa siyam na araw na National Festival of Tolerance and Humanity nitong Nobyembre.

Kilala  bilang Christmas Capital of the Philippines ang San Fernando City, Pampanga kung saan ginaganap ang taunang Giant Lantern Festival.

Loading…