Magandang formation ng mga bituin, nakuhanan ng larawan sa UP-Visayas nang nawalan ng kuryente

  • Nakuhanan ng larawan ang maraming bituin sa kalangitan sa University of the Philippines – Visayas
  • Wala raw kasing kuryente noon sa unibersidad kaya lumabas ang natural na ganda ng langit at mga bituin
  • Nag-trending naman agad sa social media ang kuha ng mag-aaral mula sa UP – Visayas

Nakagawian na ng marami sa atin ang magmuni-muni habang nakatingin sa mga bituin. Minsan, kitang-kita ang mga tala sa langit, habang may mga pagkakataon namang hindi masyadong aninag ang mga ito dahil na rin sa lagay ng panahon. May mga oras din na kitang-kita ang mga bituin dahil sa iba-ibang penomena ng daigdig at kalawakan.

Ngunit isang pambihirang pagkakataon para sa ilang mag-aaral ng University of the Philippines (UP) – Visayas na makuhanan ang napakaraming tala isang gabi ng Oktubre. Trending ngayon sa social media ang pang-wallpaper na ganda ng larawan ng kalangitan. Nakatulong daw ang naranasan nilang blackout upang lumabas ang natural na ganda ng mga bituin sa langit.

Larawan mula sa Facebook account ni Grand Gascon

Ipinagmalaki ng engineering student na si Grand Gascon sa kanyang Facebook account ang makapigil-hiningang gandang nakuhanan ng lente ng kanyang camera. Dahil daw walang anumang ilaw noong gabi na iyon dahil nawalan ng kuryente, kuhang-kuha ng kanyang DLSR ang formation ng cosmos o kalawakan.

Wala raw anumang filter o software na ginamit upang mapaganda ang larawan. Talagang ang natural na ganda lang daw ng mga bituin at kalangitan ang naging sanhi ng magagandang kuha niya.

“How to utilize a blackout at the UPV? No Photoshop used, pure camera magic,” sabi ni Gascon sa kanyang post na mayroon nang higit 1,100 reactions at 852 shares, kabilang ang share mula sa malalaking news agency sa bansa.

Maraming netizens naman ang namangha sa magandang kuha ni Gascon. Sabi nila, napakaromantiko raw ng view at perfect para sa mga nais mag-date. Minsan daw talaga, kailangan nating lumayo sa teknolohiya upang masilayan ang ganda ng kalikasan.

Larawan mula sa Facebook account ni Grand Gascon

May ilan namang netizen na naalala ang sikat na Kapamilya teleserye na Starla na pinagbibidahan ni Judy Ann Santos. Kuwento kasi ito ng mga bituin sa langit na mayroong kakayahang magbigay katuparan sa ilang kahilingan.

“I remember Starla, a Pinoy teleserye. But this one is real. Beautifully captured,” pahayag ng isang netizen sa kuha ni Gascon.

Loading…