Malawakang operasyon laban sa overloading, overspeeding at iba pang traffic violations, ikinasa

  • One-time big time joint operation laban sa mga lumalabag sa batas trapiko, ikinasa ng LTO
  • Ang operasyon ay sabay-sabay na gagawin sa buong bansa
  • Nakatakda ito sa Nobyembre 22, 2019 

Hindi katanggap-tanggap para kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga sakuna sa kalsada na kinasangkutan ng mga sasakyan na halos sunud-sunod na naganap kamakailan lang sa iba’t ibang  bahagi ng bansa.

Imahe mula sa PNA

Sa pinakahuling Cabinet Meeting na ginawa, inatasan ng Pangulo ang Highway Patrol Group ng Philippine National Police (PNP-HPG) at ang Land Transportation Office (LTO) na mahigpit na ipatupad ang mga batas trapiko.

Kaugnay ng direktiba ni Pangulong Duterte, ang LTO ay sumulat sa National Capital Region Police Office upang humingi ng ayuda sa gagawing “one time big time” joint operations laban sa mga sasakyan at driver na lumalabag sa mga batas trapiko, partikular na ang overloading, overspeeding at tricycle sa mga highway.

Magiging katuwang ng LTO sa gagawing malawakang operasyon ang HPG, Department of Public Works and Highways, Metropolitan Manila Development Authority at maging ang management ng North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX).

“To prevent more road crash incidents in the future and to comply with PRRD’s (President Rodrigo Roa Duterte) instructions, on November 22, 2019, the Land Transportation Office – Law Enforcement Service, in coordination with PNP-HPG, Department of Public Works and Highways, Manila Development Authority, NLEX, SLEX and other law enforcement agencies will conduct one time big time joint operations against motor vehicles/drivers violating traffic laws,” ayon sa LTO.

Imahe mula sa LTO

Ang operasyon ay nakatakdang isagawa sa Biyernes, ika-22 ng Nobyembre.

Ang malawakang operasyon, ayon pa sa LTO, ay gagawin sa lahat ng 17 regions ng bansa. Ang lahat ng LTO Regional Directors ay inatasan na makipag-ugnayan sa PNP sa kani-kanilang lugar na nasasakupan.

Loading…