Mananatili ang hari ng kalsada: DOTr, hindi na raw isusulong na maging modernisado ang lahat ng jeep

  • Hindi na raw isusulong ng DOTr na gawing modernisado ang mga jeep sa bansa
  • Basta raw papasa ito sa mga safety tests na gagawin nila ay papayagan pa rin itong pumasada sa susunod na taon
  • Ikinatuwa naman ito ng ilang senador na nagsusulong na ipahinto ang modernization program

Mainit na pinag-uusapan nitong mga nakaraang buwan ang pagsusulong ng Department of Transportation (DOTr), kasama ang iba pang ahensiya tulad ng MMDA at LTO, sa modernisasyon ng mga public utility jeep (PUJs). Mariin naman itong tinutulan ng iba’t ibang transport groups dahil sa gastos na maidudulot nito sa mga operator at drayber.

Matapos ang kabi-kabilang debate, nagdesisyon na raw ang DOTr na hindi na nila isusulong na maging moderno ang lahat ng jeep. Ito raw ay matapos ikonsidera ng ahensiya ang rekomendasyon ng Senate Committee on Transportation na huwag piliting palitan ang lahat ng jeep sa kalsada ng mga mas makabagong unit.

Imahe mula sa IBON Foundation

Paliwanag ni Senador Sherwin Gatchalian, sponsor ng DOTr budget para sa 2020, pumayag na raw sa kanilang rekomendasyon ang DOTr na payagan pa ring makapamasada ang mga jeep basta raw papasa ito road worthiness test at inspeksiyon ng motor.

“They complied with your recommendation so all PUJs will be allowed to ply on the road as long as they pass the motor vehicle inspection system or road worthiness test,” pahayag ni Gatchalian.

Malaki rin umano ang matitipid ng DOTr sa kanilang pag-urong sa kanilang plano na-i-phase out ang 150,000 na lumang jeep at UV Express service vehicles dahil hindi na nila kailangang sagutin ang bahagi ng bayarin sa pagbili ng bagong mga jeep.

“This is for their sake. This is a lot more pragmatic for us, expedient. That if it is still plyable, if it’s safe, and doesn’t have any adverse emissions, that it be allowed and it will also save a lot,” pahayag ni Grace Poe, chairperson ng public services panel.

Larawan mula sa Wikipedia

Umamin din daw ang DOTr na hindi na rin aabot sa 2020 ang kanilang target na pag-aalis sa kalsada ng mga lumang jeep. Simula nang umpisahan ang modernization project tatlong taon na ang nakalilipas, tanging 2,550 jeep lamang o 1.5 percent ng kabuang bilang ng kanilang target.

Matatandaang umani ng batikos ang proyektong ito ng DOTr at kinilala ng maraming grupo na anti-poor dahil sa milyong pisong halaga ng mga bagong jeep. Nagkaroon pa ng ilang ulit na malawakang transport strike bilang pagtutol sa mga ito.

Loading…