Mandatory re-education ng mga driver isang beses kada limang taon, isinusulong

  • Mandatory one-day driver re-education program, isinusulong sa Kamara
  • Layunin ng panukalang batas na maging disiplinado ang mga motorista upang maiwasan ang mga sakuna sa lansangan
  • Kapag naisabatas ang panukala, hindi makapagre-renew ng driver’s license ang hindi makakumpleto ng re-education program

Sa layuning maitanim sa mga motorista ang disiplina at matiyak ang kaligtasan sa mga lansangan, iminungkahi ni Iloilo Representative Lorenz Defensor na sumailalim sila sa mandatory one-day driver re-education program.

Imahe mula sa PNA

Sa inihain niyang House Bill 3196, nais ng mambabatas na gawing requirement para sa renewal ng driver’s license ang mandatory one-day driver re-education program na gagawin isang beses kada limang taon.

Ani Rep. Defensor, libo-libong mga Pilipino ang napapahamak sa mga sakuna sa lansangan dahil lang sa mga driver – pampubliko o sa pribadong sektor man – na hindi disiplinado sa kalsada.

“Isinusulong ko itong batas para mabigyan ng pagkakataong kada limang taon bago tayo makapag-renew ng lisensya na ang lahat, pampubliko man o pribado, ma-reorient at ma-re-educate para maging solusyon tayo sa trapiko,” ani Defensor.

Aniya, pagkukulang sa parte ng pamahalaan na maraming motorista ang kulang sa disiplina. Marami umanong driver ang nabibigyan ng lisensya kahit na hindi bihasa sa pagmamaneho at walang alam sa basic traffic rules and regulations.

“May responsibilidad ang gobyerno na paigtingin ang pagsuri ng mga binibigyan ng lisensya na dapat hindi lang marunong magmaneho kundi may tamang disiplina,” paliwanag nI Defensor.

Imahe mula sa LTO Exam Reviewer

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng certificate of attendance o participation ang mga tsuper na nakatapos ng re-education program, samantalang ang mga hindi makakakumpleto nito ay hindi papayagang makapag-renew ng driver’s license.

Naniniwala siya na sa pamamagitan ng batas na isinusulong ay mababawasan ang mga paglabag sa batas-trapiko at mga sakuna sa kalsada.

Sa sandaling maisabatas ito, ang mga government official at employees na may hawak na driver’s license ang unang isasailalim sa nasabing programa.

Loading…