Mapanganib na kargamento ng barko mula South Korea naaktuhang idinidiskarga sa Zambales

  • Radi0active cargo nasabat ng PCG at NBI sa Zambales
  • Naaktuhan ng mga awtoridad ang crew ng barko mula sa South Korea na idinidiskarga sa Zambales ang nakalalas0ng kemikal
  • Dinala sa NBI Headquarters sa Maynila ang kapitan at crew members ng barko

Dinakip ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Coast Guard (PCG) at National Bureau of Investigation (NBI) ang kapitan at crew members ng isang merchant ship mula sa South Korea na nagdidiskarga sa Zambales ng mga kargamento na itinuturing na mapanganib.

Imahe mula sa PCG

Ang barkong Dayang Century, isang Liberian-flagged ship na nanggaling sa Gwangyang Port sa South Korea, ay may kargang 53,000 metric tons ng “phosphogypsum.”

Ang phosphogypsum ay waste product mula sa paggawa ng fertilizer. Ayon sa Department of Environment and Natural Resources naglalabas iyon ng radon, isang uri ng radi0active gas.

Taglay din niyon ang mga radi0active elements na uranium, thorium at radium.

Naaktuhan ng PCG at NBI ang crane operators at ilang crew members ng barko na idinidiskarga ang radi0active cargo sa Cabangan Wharf sa Cabangan, Zambales.

Nang hingan ng mga awtoridad ng cargo permit ang kapitan ng barko ay wala itong naipakita kaya agad na ipinatigil ang pagdidiskarga dahil sa paglabag sa Republic Act Number 6969 o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990, at Republic Act Number 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000.

Imahe mula sa PCG

Isasailalim sa mas mahigpit na imbestigasyon ang dinakip na kapitan at crew members na dinala sa NBI headquarters sa Maynila.

Samantala, isang 40-footer container van mula sa South Korea ang kinumpiska ng Bureau of Customs dahil naglalaman iyon ng misdeclared electronic wastes.

Idineklara umano ng consignee ang kargamento bilang “used TV and electronic parts” subalit nadiskubre ng Customs na mga electronic wastes ang laman ng container van.

Inaalam ng Customs ang mga taong nasa likod ng importasyon ng mga electronic wastes upang masampahan ng kaukulang kaso.

Imahe mula sa BOC

Loading…