Marcelito Pomoy, inanunsiyong kasali siya sa ‘America’s Got Talent: The Champions’

  • Kalahok si Marcelito Pomoy sa Season 2 ng America’s Got Talent: The Champions
  • Kalaban niya rito ang mga Got Talent franchise winners mula sa iba-ibang bansa
  • Anuman daw ang kalabasan ng pagsali niya ay proud si Marcelito na maging kinatawan ng Pilipinas

Hindi maitatangging ang mga Pilipino ay likas na talentado. Napatunayan na ng ilan sa ating mga kababayan na kaya nilang makipagsabayan sa mga mahuhusay na performer sa ibang bansa, tulad nina Charice Pempengco, Apl De Ap Lea Salonga, Arnel Pineda, Aicelle Santos, at Rachelle Anne Go.

Ngayon naman, isang Pilipino ang susubukang makasungkit ng panalo sa pinakasikat na talent show sa mundo, ang America’s Got Talent. Masayang inanunsiyo ng Pilipinas Got Talent season 2 winner na si Marcelito Pomoy na kasali siya sa ikalawang season ng America’s Got Talent: The Champions.

Larawan mula kay Marcelito Pomoy

Sa isang Facebook post, sinabi ni Marcelito na mapapanood siya sa ikalawang edisyon ng AGT kung saan maglalaban-laban ang mga kampeon ng iba’t ibang Got Talent franchise mula sa iba-ibang bansa. Paglalahad ni Marcelito, kahit daw mahigpit ang magiging laban ay mapalad raw siyang mapasama sa season na ito ng AGT at mapanood ng mas maraming audience.

“Piling-pili po ang nakakalaban dito kaya napaswerte po ng inyong lingkod na mapili sa laban na to.. Kung kaya sa tulong at suporta ninyo lalo’t higit sa inyong dasal nawa’y tayo ay makapagperform hanggang sa huli,” pahayag ni Marcelito sa kanyang post.

Dagdag pa ng exceptional singer, kahit daw makapasa na lamang siya sa mga hurado sa audition, sa pangunguna ni Simon Cowell, ay masaya na siya. Bonus na lamang daw kung makarating siya sa finale ng show.

“Actually kahit sa audition round lang masaya na akong maibahagi ang aking talento sa buong mundo.. pero kung papalarin na makaabot sa grand finals mas masaya syempre…” dagdag ni Marcelito.

Larawan mula sa YouTube

Matatandaang napabilib ni Marcelito ang buong Pilipinas sa kanyang doble-kara na boses. Noong auditions, napamangha niya ang mga hurado ng PGT sa kanyang pagbirit ng “Narito Ako” ni Regine Velasquez. Noong finale naman, inawit niya ang “The Prayer” kung saan unang beses niyang ipinakita ang kanyang doble-kara na boses.

Natuwa naman ang fans ni Marcelito. Ipinahayag nila na makaaasa ang singer sa suporta ng mga kapuwa Pilipino sa kanyang laban sa AGT. Ipalalabas daw ang unang episode sa Enero 6, 2020 kung saan makakaharap ni Marcelito ang halos 30 Got Talent franchise winners.

Source :

YouTube, TV Line

Loading…