Mayor Isko magsasampa ng kaso laban sa abusadong driver na kumaladkad sa traffic enforcer

  • Mayor Isko sasampahan ng kaso ang abusadong driver na kumaladkad sa MTPB traffic enforcer
  • Hinikayat ng alkalde ang LTO na bawian ng driver’s license ang suspek
  • May surpresang inilaan si Mayor Isko para sa traffic enforcer

Planong sampahan ng kaso ni Mayor Isko Moreno ang abusadong driver na kumaladkad sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) traffic enforcer na sumita sa kanya dahil sa lane violation sa Sta. Cruz, Maynila noong Sabado, ika-16 ng Nobyembre.

Screenshot mula sa video ni Mayor Isko Moreno via Facebook

Sa isang video na ibinahagi ng Manila Public information Office, makikita ang traffic enforcer na si Adrian Lim na nakakapit sa bintana ng Mitsubishi Expander na minamaneho ng suspek na kinilalang si Orlando Ricardo, Jr.

Pinaharurot ng suspek ang sasakyan sa intensyong takasan ang traffic enforcer na napilitang kumapit sa bintana ng sasakyan upang hindi mabundol. Makikita sa video na nagpa-ese-ese ang takbo ng sasakyan na tila gustong iwasiwas ang traffic enforcer na nakasabit.

Nakabangga pa ng isang nakaparadang sasakyan ang suspek, pero nagpatuloy pa rin sa pagtakas.

Natakasan ng suspek ang enforcer nang makabitiw ito sa pagkakakapit sa kotse, pero na-corner siya ng iba pang mga enforcer na rumesponde.

Nitong Linggo, ika-17 ng Nobyembre, ay personal na nagtungo si Mayor Isko sa Manila Police District Station 3 upang makita ang abusadong driver. Sermon ang inabot ni Ricardo mula sa alkalde.

Screenshot mula sa GMA video

Hindi pinaniwalaan ni Mayor Isko ang katwiran ng suspek na nataranta siya kaya tumakas.

May intensyon daw ito. Nakita niyang winasiwas nito ang traffic enforcer. “Mas mahal pa ibabayad niya sa abogado niya,” anang alkalde na nagsabing P500 lang ang penalty sa traffic violation na tinakasan nito.

Ayon kay Mayor, magsasampa ang city government ng kaso laban sa suspek. Hinikayat din niya ang Land Transportation Office na bawian ng driver’s license ang abusadong driver.

Samantala, may surpresa namang inilaan si Mayor Isko para sa  traffic enforcer na si Lim na nagtamo ng mga galos at pasa dahil sa pangyayari.

Narito ang video ng insidente:

 

Source :

ABS-CBN, Facebook

Loading…