Mga bagong teleserye ng LizQuen at KathNiel, kaabang-abang sa 2020

  • Kinasasabikan na ng kani-kanilang fans ang pagbabalik teleserye ng tambalang LizQuen at KathNiel
  • Ang teleserye ng LizQuen ay kinunan sa Crotia habang nakatakdang kunan ang teleserye ng KathNiel sa Mexico
  • Kabilang ang kanilang mga teleserye sa itinampok sa nakaraang ABS-CNB sa Christmas Trade Party

Isang popular na panoorin sa Pilipinas ang mga teleserye. Patunay nito ang pagsasa-ere ng mga teleserye sa prime time o sa oras na pinakamarami ang nanonood. Ang mataas na rating ay nangangahulugan ng mas maraming advertisement na nagbabayad ng malaki sa airtime.

Dahil dito, marapat lamang na pabonggahin ng mga estasyon ng telebisyon ang produksiyon ng mga gagawin nilang teleserye—na siyang ginagawa ng ABS-CBN.

Imahe mula sa Instagram account ng Star Creatives

Sa 2020 kasi ay muling mapapanood sa ‘primetime bida’ ng ABS-CBN ang dalawang teleseryeng kinunan sa ibang bansa. At ang mas bongga pa rito ay dalawang sikat na love teams ang bibida sa mga teleseryeng ito na matagal nang inaabangan ng kanilang mga fans.

Ang love team na LizQuen o sina Liza Soberano at Enrique Gil ay muling bibida sa isang teleserye na kinunan sa Crotia. Pinamagatang Make It With You ang kanilang pagbabalik sa primetime bida.

Ang Make It With You ay idinirehe ng batikang director na si Cathy Garcia-Molina at prinodyus ng Star Creatives. Ito rin ang ikaapat na teleseryeng pinagtambalan ng LizQuen: Forevermore (2014), Dolce Amore (20016), at Bagani (2018).

Ang KathNiel o Kathryn Bernardo at Daniel Padilla naman ay muling bibida sa teleserye makalipas ang pagtatambal nila sa La Luna Sangre noong 2017. Ang kanilang teleserye ay nakatakda umanong kunan sa Mexico na prinodyus ng Dreamscape Entertainment.

Wala pang gaanong detalye ang inilalabas tungkol sa kanilang pagbabalik sa telebisyon. Gayunman, sa mga naging panayam sa KathNiel ay ibinahagi ng dalawa na nasasabik na silang muling magsama sa isang teleserye.

Imahe mula sa Instagram account ng Dreamscape Entertainment

Ang LizQuen at KathNiel ay dalawa sa mga top love teams na sinusubaybayan ng kani-kanilang mga taga-hanga. Sa tunay na buhay, magkasintahan sina Liza at Enrique at sina Kathryn at Daniel kaya lalong kinakikiligan ang kanilang mga tambalan.

Loading…