Mga kliyenteng labis na na-stress ng online lending agents, dumulog na sa NBI

  • Dumulog na sa NBI ang mga nagrereklamo patungkol sa maling paniningil at malaking interes ng mga online lending apps
  • Matinding suliranin at nakunan pa ang isang buntis dahil sa pagbabantang nakuha niya mula sa isang lending app
  • Nakatakda namang sampahan ng reklamo ng NBI ang mga nasabing online apps dahil sa pagbabanta

Nagpapatuloy ang pagdating ng mga reklamo hinggil sa mga online lending applications (OLA) na mayroong hindi katanggap-tanggap na paraan ng paniningil sa hiniram na pera ng kanilang mga customers. Matapos maghain ng mga reklamo sa National Privacy Commission (NPC) at Security and Exchange Commission (SEC), dumulog na sa National Bureau of Investigation (NBI) ang ilan sa mga nabiktima ng mga OLA.

Emosyonal na humarap sa media ang ilan sa 24 na nagrereklamo sa mga OLA dahil sa patong-patong na kahihiyan at suliraning nakuha nila dahil sa kakaibang sistema ng paniningil ng mga ito. Madalas daw silang makatanggap ng masasakit na salita, pang-iinsult0, at maging ang mga contacts nila ay iligal na naa-access ng mga ito.

Larawan mula sa Facebook page ng Cashlending at Fast Cash

Ayon sa kanila, wala naman daw silang intensyon na hindi bayaran ang kanilang utang. Gayunman, mayroong ilang pagkakataon na hindi nila nakukuha agad ang kanilang perang pambayad dahil sa ilang rason, habang ang iba ay mayroong mga emergency na kinahaharap. Ngunit ayon sa mga biktima, wala raw konsiderasyon ang mga OLA kahit patuloy naman ang pagtubo ng kanilang utang sa bawat araw na hindi sila nakababayad.

Kahit isang araw lamang daw na hindi sila makabayad, makaririnig ka na raw ng hindi magagandang salita mula sa kanilang mga ahente. Ang masaklap pa raw, maging ang mga contacts ng kanilang mga customer ay iligal nilang nakuha at isa-isang tine-text o tinatawagan ng mga ahente.

Dahil sa kahihiyang natamo sa isang OLA na inutangan, ay nakunan ang buntis na si Karen Badang; isa sa mga nagreklamo sa NBI. Maayos naman daw siyang nakipag-usap sa agent na magbabayad siya matapos makapagpa-checkup ngunit kung kani-kanino na raw ito nagte-text at nagbanta pang sisirain nito ang kanilang buhay. Dahil sa labis na pag-iisip, hindi na nakayanan ni Badang ang suliranin na naging sanhi ng anxiety na nauwi sa pagkawala ng kanyang dinadala.

Maliban sa pamamahiya, inirereklamo rin ni Badang ang sobrang laking interes na ipinapataw ng mga OLA sa kanilang customers. Ang nahiram niya raw na P7,560 ay naging P19,000 sa loob lamang ng walong araw na overdue. Kamakailan lamang ay nakiusap na ang SEC sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na bantayan ang mga nagpapautang na mayroong napakalaking interes.

Larawan mula kay Karen Badang via ABS-CBN News

Ayon naman sa NBI, nakatakda nang kasuhan ang mga inireklamong lending app dahil sa mga pagbabantang ginagawa nila. Bukod pa rito ang mga reklamong inihain na sa SEC at NPC. Patuloy din ang mga nasabing ahensiya sa paglalabas ng cease and desist order laban sa ilang hindi rehistradong OLA.

Patuloy namang nagkakaisa ang mga kliyenteng nakatanggap ng pagmamalabis mula sa nga online lending applications sa pamamagitan ng social media. Sa katunayan, isang Facebook group ang binuo upang magsilbing gabay ng mga kliyente na nais makapagsampa ng reklamo sa mga OLA.

Source :

Facebook, DF News

Loading…