Mga mag-aaral na sabay-sabay na nagdarasal sa isang fast food resto, hinangaan ng mga netizen

  • Hinangaan ang apat na mag-aaral na nagdarasal sa isang fast food restaurant
  • Ayon sa uploader, saludo siya dahil hindi nahihiyang ipakita ng mga ito ang kanilang pananampalataya
  • Para naman sa ibang netizen, inspirasyon ang mga mag-aaral para sa mga kabataan ngayon

Normal nang makita ang magbabarkada na nagtitipon-tipon sa mga kainan at doon nagba-bonding. Karaniwang nagpapalitan ang mga ito ng kuwento, tawanan, at madalas rin na mayroong kasamang kulitan. Sa mga ganitong pagkakataon ay nararamdaman nating solido ang samahan at pagkakaibigan.

Pero para sa ibang magkakaibigan, ang pananampalataya sa Maykapal ang nagiging dahilan kung bakit matatag ang kanilang samahan. Ganito ang kuwento ng post ng netizen na si Aldwin Roy Ponce Baltazar kung saan isang larawan ng matibay na pananalig ang makikita.

Larawan mula sa Facebook post ni Aldwin Roy Ponce Baltazar

Sa larawang ibinahagi ni Baltazar sa kanyang Facebook post, makikita ang apat na babaeng estudyante na mataimtim na nananalangin sa loob ng isang sikat na fast food restaurant. Nakauniporme pa ang mga babae na nakuhanan ng larawang nakayuko at sabay-sabay na nagdarasal.

Hindi malinaw kung nagkaroon ba ng Bible study o sharing ng salita ng Maykapal bago naganap ang pagdarasal, ngunit hinangaan ni Baltazar ang mga dalaga dahil hindi nito ikinakahiya ang kanilang pananalig na madalang na raw sa mga kabataan ngayon.

“When believers gather in groups of two or three, Jesus will be present among them and God will answer their prayers. Never be ashamed of your faith,” pahayag ni Baltazar sa kanyang viral post.

Umani na sa kasalukuyan ng higit 1,000 reactions na karamihan ay ‘love’ habang nadaragdagan pa ang 1,200 shares ng inspiring na larawan.

Larawan mula sa Pexels

Maliban kay Baltazar, maraming netizen din ang humanga sa mga babae sa larawan. Ayon sa kanila, huwaran daw ang mga ito para sa iba na hindi na nga nag-aaral nang mabuti ay kulang pa sa kagandahang asal.

Hiling ng mga netizens na nag-share at humanga sa pananalig ng mga mag-aaral sa larawan, na sana ay magtagumpay sila sa hinaharap na hindi naman daw malabong mangyari dahil sa paniniwalang taglay ng mga ito na kailangan upang umangat sa buhay.

Loading…