Miscommunication? Mag-ina nagkalituhan sa mensaheng ilalagay sa birthday cake

  • Nagkalituhan ang mag–ina sa ilalagay na mensahe sa ibabaw ng birthday cake
  • Literal na “HBD XD” ang ipinalagay ng ina sa pag–aakalang ito ang tinutukoy ng anak
  • Good vibes naman ang hatid nito sa netizens

Sa panahon ngayon, halos lahat ay may makabagong gadgets na ginagamit sa pang–araw–araw na pamumuhay, magmula sa mga baby boomers hanggang sa generation z. Kaya nga lamang, minsan ay nagkakaroon ng kalituhan sa paggamit ng mga salita, lalo na sa kabataan ngayon na mahilig sa pagpapaikli ng mga salita o paggamit ng mga emoji o emoticon.

Good vibes ang dulot ng ibinahagi ng isang Facebook user na si “Allie Anne Benzene” matapos niyang ilagay sa Facebook post ang palitan  nila ng mensahe ng kaniyang ina, na bumibili ng birthday cake para sa kaniya. Sa tabi nito ay ipinakita rin niya ang nakalagay na mensahe sa binili nitong birthday cake.

Imahe mula sa Facebook account ni Allie Anne Benzene

Mababasa sa conversation thread ng mag–ina na tinatanong ng ina kay Allie kung ano ang nais niyang ipalagay na mensahe sa birthday cake, dahil tinatanong na umano ng staff ng sikat na cake shop kung ano ang ilalagay na mensahe sa ibabaw nito.

Tinugon naman ito ni Allie na “kahit na ano”. Subalit hinabol niya ang nais niyang ipalagay na mensahe kaya nagsend siya ng tugon na “HBD XD” na nangangahulugang “Happy Birthday” at ang XD ay emoticon para sa pagngiti nang may maluwag na bibig.

Inakala ng ina na literal ito kaya nang umuwi siya, nagulat ang anak dahil eksaktong “HBD XD” ang nakalagay sa ibabaw ng birthday cake.

Imahe mula sa Facebook account ni Allie Anne Benzene

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa netizens,

“Nagtatanong kasi nang maayos, hindi sumagot nang maayos. Proud ka pa… kabataan talaga ngayon…”

“Hahahahaha kapag sinabi ko ‘to sa Nanay at Lola ko, ganitong-ganito din ang gagawin nila for sure! Nakakatuwa lang ang mga ganito.”

“Ang cool nito hahahaha. Good vibes lang.”

As of this writing ay umabot na sa 27, 000 reactions ang naturang Facebook post.

Loading…