Nagsimula sa kantiyaw: Computer Science grad, lakas ng loob ang puhunan sa pagtatayo ng sariling production house

Imahe mula kay Nathaniel Castro
  • Tinawag na “Nathaniel Castro Productions” si Nathaniel Castro noong siya ay estudyante pa lamang dahil lagi siyang nangunguna sa paggawa ng video requirements nila
  • Naglakas-loob si Castro na ipasa ang mga gawa sa dating PBB Housemate na naghahanap ng vlog editor at pinalad naman siyang makuha ang trabaho
  • Mula sa bansag ay naging totoo na ang “Nathaniel Castro Productions” dahil sa kanyang pagsisikap at lakas ng loob

Bansag lang sa noon ay estudyante pa lamang na si Nathaniel Castro ang “Nathaniel Castro Productions” dahil sa hilig niya sa pagdi- direct at edit ng videos.

Sinong mag-aakala na makalipas ang ilang taon ay magiging “legit” na production house ito at makakakuha ng mga kliyente mula sa iba’t ibang industriya?

Kursong Computer Science Major in Software Engineering ang kinuha ni Castro sa FEU Institute of Technology (FEU Tech). Aniya, kinatutuwaan niya ang paggawa ng videos na proyekto nila sa ilang mga minor subjects.

“Every time there was a video requirement like music videos and documentaries for our subjects, I would volunteer to do it,” sabi ni Castro sa isang panayam sa FEU Tech.

Ang mga proyektong ito ang kanyang ginamit bilang portfolio nang maghanap ng vlog editor ang Pinoy Big Brother alumnus na si Richard Juan.

Larawan mula kay Nathaniel Castro

Aminado si Castro na suntok sa buwan ang ginawang pagpasa dahil bukod sa wala siyang mga mamahaling gamit na kakailanganin para sa trabaho ay kulang din siya sa experience. Pero dahil sa kanyang husay at pagpupursigi ay nakuha niya ang posisyon.

Bilang panimula ay pinayagan siya ni Juan na hiramin ang camera nito, pero nahirapan naman si Castro sa pag-edit dahil luma na ang kanyang laptop kaya inaabot siya ng ilang oras sa pag-export ng ilang minutong video.

“I had to ask an office mate to use his credit card so I can buy a laptop. I am really grateful to him because he trusted me,” sabi ni Castro.

Dito na niya sinimulang buuin ang noon ay kantiyaw lamang sa kanya na “Nathaniel Castro Productions.”

Nilakasan niya ang kanyang loob at isinumite ang kanyang profile at portfolio sa iba’t ibang mga kompanya at organisasyon. Inamin niya na nakatanggap siya ng mga pangmamaliit pero biniyayaan pa rin siya ng mga oportunidad.

Ilan sa mga naging kliyente na niya ang mga designer na sina Michael Cinco at Michael Leyva, at Department of Transportation.

Larawan mula kay Nathaniel Castro

Dahil sa lakas ng loob ay nabago na rin ang buhay ni Castro at ng kanyang pamilya. Noong siya ay nasa kolehiyo ay yumao ang kanyang ama kaya naman kinailangan nilang ibenta ang lahat ng kanilang mga ari-arian para sa kanilang mga pangangailangan.

Nagrenta ang kanyang ina ng puwesto sa isang wet and dry market sa Pampanga na nagsilbi na rin nilang bahay. Ngayon ay guminhawa na ang kanilang buhay at nakaupa na sila sa isang disenteng tahanan.

Dahil lumalaki na ang kanyang production house at bilang pasasalamat na rin sa mga biyaya ay kumuha si Castro ng mga katulad niyang may kakayanan ngunit wala pang naipupundar na gamit.

“I see myself in them. I began this career like them with just skills and no equipment so I want to help them,” sabi ni Castro na umaapaw ang positibong pananaw sa buhay.

Source :

FEU Tech

Loading…