Nanay sa Samar, napagtapos ang 12 anak sa kolehiyo sa paghahabi ng banig sa kweba at pangingisda

Larawan mula sa GMA News
  • Napagtapos ng isang manghahabi at mangingisdang ina ang kanyang 12 anak sa kolehiyo
  • Kahit P200 lang ang sahod niya sa paghahabi, ay nagawa niyang maitawid ang pag-aaral ng mga anak
  • May karamdaman ang kanyang asawa kaya pinapasan niya ang responsibilidad para sa mga anak

Para sa mga magulang, ang pagpapaaral sa kanilang mga anak ay isang pagsubok na kailangang malampasan. Hindi kasi biro ang oras na kailangang gugulin sa pagtuturo at pagsubaybay sa mga ito habang nasa paaralan, at ang laki ng gastos na kinakailangan hanggang sa kolehiyo.

Ngunit para sa isang ina sa Western Samar, hindi naging hadlang ang hirap ng kanilang pamumuhay upang makapagtapos ang mga anak ng pag-aaral. Sa pamamagitan kasi ng paghahabi ng banig sa kweba at pangingisda, ang kanyang 12 anak ay nakapagtapos na ng kolehiyo.

Larawan mula sa GMA News

Sa ulat ng GMA News, pinagsasabay ng inang si Lionila Gacutno, 58 anyos, ang dalawang trabaho upang mairaos ang pag-aaral ng mga anak. Maaga pa lamang ay nangingisda na siya kasama ang isang anak. Karaniwang alimasag at pagi ang nahuhuli nila na naibebenta lamang sa maliit na halaga. Sapat lamang ang kita niyang P70 para sa pambili ng kape at asukal.

Matapos ang pagpalaot, dumidiretso naman sila sa kweba kung saan gumagawa sila ng banig at iba pang hinahabing produkto na tinatawag nilang ‘paglalara.’ Nakagagawa sila ng mga banig, placemats, bags, at sandals.

Kabuhayan ng mga kababaihan sa kanilang lugar sa Basey, Western Samar ang paglalara. Hinahabi nila ang mga produktong gawa sa ‘tikog’ o isang uri ng halamang tumutubo lamang sa kanilang lugar. Inaani nila ito at ibinibilad sa araw bago gawing hinabing produkto.

Sa kweba ng Saob sila naglalara dahil malamig daw roon. Pamilya na ang turingan ng mga naghahabi roon na madalas raw ay nagsasalo-salo sa kanilang simpleng ulam tuwing tanghalian. Kahit anong edad pati ay tinatanggap nila basta nais kumita sa paghahabi ng mga produktong ibinebenta nila sa mga turista at mga dayuhan.

Ayon kay Nanay Lionila, na mahigit tatlong dekada nang naghahabi, malaki na raw ang P200 kita sa paglalara. Ang maghapong pagkayod, madalas ay kulang pa rin sa kanilang mga pangangailangan. Nangungutang na lamang daw siya para mairaos ang kanilang pang-araw-araw, kabilang ang edukasyon ng 16 na anak.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Hindi naman nabigo ang masipag na ina dahil 12 sa kanyang mga anak ay tapos na ng kolehiyo at mayroon nang magagandang trabaho. Sa kasalukuyan, mayroon pa siyang apat na anak na pinag-aaral at ang isa ay nasa kolehiyo na rin.

Walang pagod raw na nararamdaman si Nanay Lionila para sa kanyang mga anak na umabot ng 16. Hindi naman daw siya matulungan ngayon ng kanyang asawang may karamdaman. Buo raw ang loob niya na pagtapusin ang mga anak upang hindi matulad sa kanya na hindi nakatapos ng pag-aaral.

Sources: GMA News, YouTube

Loading…