Naniniwala ka ba sa kapangyarihang itim ng isang mambabarang?

  • Sa kulturang Pilipino, partikular sa Kabisayaan, ang mambabarang ay hindi nalalayo sa isang mangkukulam
  • Ngunit gaano nga ba katotoo ang mambabarang? Ito ang sinikap na sagutin sa isang segment ng Rated K ni Korina Sanchez
  • Sa Nobyembre 28 ay nakatakdang ipalabas ang pelikulang The Heiress tungkol sa isang dalagitang nakatakdang magmana ng kapangyarihang itim ng kaniyang tiyahin na isang mambabarang

Sa Pilipinas, kapag tungkol sa kababalaghan ang pag-uusapan ay agad na maiisip ang Kabisayaan. Kung pagbabatayan kasi ang mga nakatalang kasaysayan at panitikan, ang Kabisayaan ang mayaman sa mga kuwento hinggil sa barang.

Ito ang paksang itinampok sa isang segment ng Rated K ni Korina Sanchez na pinamagatang “Totoo ba ang barang?”

Ayon sa programa, hindi naiiba ang barang sa kulam ngunit sinasabing mas malakas raw ang kapangyarihan ng isang mambabarang kumpara sa isang mangkukulam.

May paniniwala rin na tulad ng anumang yaman, ang pambabarang ay naipapamana rin mula sa isang matandang kasapi ng pamilya tungo sa isang kapamilya nitong nasa hustong gulang na.

Ayon pa sa naging panayam ng Rated K sa cultural anthropologist na si Prof. Nestor Castro, ang konsepto umano ng barang ay lalong lumaganap sa Kabisayaan lalo na noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas.

Ang pambabarang ay hindi rin umano ihinihiwalay sa panggagamot noong sinaunang panahon. Sapagkat upang makontra ng isang manggagamot ang itim na kapangyarihan ng mambabarang ay kailangang maging maalam din ang manggagamot tungkol sa mga gawain ng isang mambabarang.

Siyempre, hindi rin daw aaminin ng isang manggagamot na maalam din siya sa pambabarang dahil mas mithiin nitong makagawa ng kabutihan kaysa kasamaan.

Tulad na lamang ng itinampok na manggagamot sa Rated K na nagmula sa Kabisayaan na si Lola Remedios Absalon. Kahit 67 taon na si Lola Remedios ay nagiging takbuhan umano siya ng kaniyang mga kababayan sa tuwing nakararamdam ng anumang sakit sa katawan.

Imahe mula sa Pixabay

Ang mga ginagamot umano ni Lola Remedios ay nakukuhanan niya ng salagubang, uod, bubog, at maliliit na itim na bato sa katawan na tanda umano na nabarang ang kaniyang ‘pasyente.’

Sa kabilang banda, laging may babala ang Simbahang Katolika sa mga ganitong gawain. Ang paggamit ng itim na kapangyarihan ay nagmumula umano sa diyablo kaya hindi makabubuti na ito ay gamitin sa anumang paraan.

Samantala, nanawagan din ang programa na kung may anumang nararamdamang sakit sa katawan ay makabubuting kumonsulta pa rin sa mga espesyalista upang malaman ang wastong lunas sa sakit.

kaugnay dito, sa Nobyembre 28 ay nakatakdang ipalabas ang pelikulang The Heiress tungkol sa isang dalagitang nakatakdang magmana ng kapangyarihang itim ng kaniyang tiyahin na isang mambabarang.

Ating silipin ang The Heiress:

Source :

YouTube

Loading…