Netizen may panawagan sa mga call center agent sa Eton Centris na panatilihin ang kalinisan sa lugar

  • Nanawagan ang isang netizen sa mga call center agents sa Eton Centris
  • Lagi raw kasing makalat sa sidewalk ng nasabing business district dahil sa mga basura ng agents
  • Umalma na rin ang mga naglilinis dahil hindi naman daw dapat tumatambay doon ang mga agent at nagkakalat pa

Bahagi na ng kultura ng mga nagtatrabaho sa mga opisina ang pagpapalipas ng oras sa tapat ng gusaling pinapasukan. Kapag break time, may mga empleyadong pinipiling gugulin ang kanilang oras sa pagbili ng makakain sa labas, o ‘di kaya naman ay makipagkuwentuhan sa mga kasamahan.

Ganito rin ang mga nagtatrabaho sa BPO offices, kabilang ang mga call center agents. Dahil kalimitang bawal ipasok ang mga pagkain sa kanilang workstations, kalimitang sa mga kainan sa labas na lamang sila bumibili at tumatambay sa labas ng opisina.

Larawan mula sa Facebook post ni Katrina Macasa

Ngunit mayroong concern ang isang netizen ngayon sa mga call center agents sa isang sikat na lugar sa Quezon City. Nakuhanan niya kasi ng larawan ang napakaraming basura sa labas ng opisina ng ilang BPO companies.

Ayon sa Facebook post ni Katrina Macasa, nanawagan siya sa mga call center agents na nagyoy0si sa Eton Centris, isang business district sa Quezon City kung saan maraming BPO offices, na panatilihin naman ang kalinisan sa lugar.

Kitang-kita kasi sa mga larawang ibinahagi niya sa social media account niya ang napakaraming basura, mga upos, coffee at soft drink cups, plastic bottles, at iba pang lalagyan ng pagkain na nakatambak lamang sa isang mahabang plant box sa harap ng isang mall sa Eton Centris.

“Sa mga call center na nagyoy0si sa sidewalk ng Eton Centris, maawa naman kayo sa mga naglilinis,” sabi ni Macasa sa kanyang post na sa kasalukuyan ay mayroon nang halos 4000 reactions at 7K shares.

Larawan mula sa Facebook post ni Katrina Macasa

Makikita rin sa larawan kung paanong nililinis ng mga maintenance officers ng nasabing business district ang tambak ng basura. Pinatotohanan naman ng mga netizens na halos araw-araw daw ay ganito ang eksena sa nasabing business district sa Quezon City.

“That’s so disturbing ate Kat. Everytime nakikita ko yan, can’t help na ‘di mainis,” sabi ng isang kaibigan ni Macasa. Nakausap din umano ni Macasa ang mga naglilinis at sinabi ng mga ito na hindi naman daw iyon sm0king area talaga kaya naman nais na nilang mapahinto ang pagtambay ng mga agents doon.

Loading…