Official Philippine team para sa E-sports na Sibol, nakuha ang lahat ng gold medal sa SEA Games Test event

  • Naiuwi ng Philippine team na Sibol ang lahat ng gintong medalya sa SEA Games test event para sa E-sports
  • Tatlong E-sports event ang ginawa dito sa Pilipinas na dinaluhan ng apat na bansa
  • Gagawin daw itong motibasyon ng Sibol para maiuwi din ang gintong medalya sa mismong SEA Games

Sa gaganaping Southeast Asian (SEA) Games sa Pilipinas sa katapusan ng Nobyembre hanggang Disyembre, gaganapin sa unang pagkakataon ang electronic sports o E-sports events na mas kilala rin bilang video games. Mayroong anim na larong paglalabanan ng mga bansa sa Southeast Asia na kinabibilangan ng “Arena of Valor,” “DoTA 2,” “Mobile Legends: Bang bang,” “Tekken 7,” “Hearthstone,” at “StarCraft II.”

Kabilang sa paghahanda para sa SEA Games, nagsagawa ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) ng test event para sa E-sports. Sinalihan ito ng apat ng bansa sa Timog Silangang Asya kabilang ang Indonesia, Thailand, Malaysia, at ang Pilipinas. Dinomina ng Team Pilipinas na Sibol ang tatlong gaming events at naiuwi lahat ng gintong medalya sa test event.

Larawan mula sa Facebook page ng Sibol

Sa isang Facebook post, ipinagmalaki ng Philippine E-sports team na Sibol na nagwagi ang lahat ng pambato ng Pilipinas ng gintong medalya sa test event na ginanap sa Flying V Arena sa San Juan City. Ginawa ang tunggalian sa tatlong video games na “Tekken 7,” “DoTA 2,” at “Mobile Legends: Bang bang.”

Si Andreij “Doujin” Albar ang unang nakakuha ng gintong medalya sa test event. Nagkaroon siya ng come from behind win sa kalabang si MEAT ng Indonesia sa “Tekken 7.” Natalo sa unang laban niya si Albar. Ngunit naipanalo niya ang sumunod na tatlong matches para maiuwi ang gold medal sa laro.

Ang Malaysia naman ang nakaharap ng DoTA 2 team ng Pilipinas sa final round. Sweep naman ang ginawa ng DoTA 2 team sa Malaysia upang makuha ang gintong medalya. Tinalo naman ng Sibol ang crowd favorite na Indonesia team sa sikat na Mobile Legends: Bang Bang.

Masayang-masaya naman ang team manager ng Sibol na si Alvin Juban sa magandang performance ng Pilipinas sa test event. Ipinakikita lamang daw ng gold medal sweep sa E-sports test event na handa na ang Pilipinas sa mas marami pang E-sports competition sa mundo.

Larawan mula sa Facebook page ng Sibol

Gagawin naman daw motibasyon ng Sibol ang kanilang nakamit na panalo upang makasungkit din ng mga parangal sa msimong SEA Games kung saan mas maraming bansa na ang maglalaban-laban para sa kampeonato.

Gagawin ang E-sports leg ng SEA Games sa kaparehong venue sa Disyembre 5-10. Siyam na bansa ang sinasabing maglalaban para sa gold medal ng bagong sporting event ng SEA games.

Loading…