Online shopping para kay baby: 13 milyong piraso ng diapers, nabili sa 11.11 sale ng Lazada

  • Diapers daw ang pinakamabentang item sa ginawang November 11 sale ng Lazada
  • 13 Milyong pirasong diaper umano ang naibenta nila sa loob lamang ng isang araw
  • Naglabas naman ng infographics ang Lazada tungkol sa ginawa nilang 11.11 sale

Inabangan ng maraming Pilipino ang November 11 o 11.11 sale ng iba’t ibang online shopping applications. Malaki kasi ang diskwentong ibinibigay ng iba’t ibang sellers, mula sa maliliit na negosyante hanggang sa mga kilalang brands. At sa panahon ng teknolohiya, nakabibigla na ang lumabas na pinakamabili sa ginawang sale ng isang website ay  — mga diapers!

Naglabas ng infographic ang online shopping giant na Lazada tungkol sa kinalabasan ng 11.11 sale nila ngayong taon. Maraming record umano ang nagawa ng sale ng nasabing shopping website at kabilang nga sa mga ito ay ang 13 milyong pirasong diapers na nabili ng kanilang mga parokyano.

Larawan mula sa Ready Elements

Naibenta ang 13 milyong pirasong diaper sa Lazada sa loob lamang ng isang araw. Natalo ng diaper ang ilang mabentang produkto sa Lazada tulad ng gadgets, sapatos, damit, at mga kasangkapan sa tahanan. Maraming brand ng diaper ang ibinenta sa Lazada noong November 11 kabilang na ang mga produkto mula sa mga mapagkakatiwalaang kompanya.

Ipinagmalaki rin ng e-commerce company na nakabenta ng 240,000 na pares ng sneakers noong 11.11, 10,000 piraso ng luggage ang naipagbili at 348 kotse ang na-pre-order. Ito raw ang ilan sa mga mabebentang produkto noong sale sa mga Pilipino na nagkonsumo raw ng 205 milyong minuto sa kabuuan ng sale.

Nakapagtala rin ang Lazada ng record pagdating sa dami ng taong nag-shopping sa unang oras ng sale. Ayon sa inilabas nilang datos, 1 milyong Pinoy online shoppers daw ang bumili ng items sa loob lamang ng unang oras ng sale. Ito rin ang dahilan kung bakit umabot ng isang milyong items ang nabenta sa unang oras din ng sale.

Kakaiba kasi ang ginawang sale ng Lazada ngayong taon dahil mayroon silang television special na tila pagsalubong sa kanilang 11.11 sale na ipinalabas sa ABS-CBN sa pangunguna ng mga Kapamilya stars na sina James Reid, Vice Ganda, Karylle, at Billy Crawford.

Larawan mula sa Lazada

Dahil sa dami ng online shoppers na nakiisa at bumili ng produkto sa 11.11 sale, masaya ring inanunsiyo ng Lazada na mayroon silang 1141 sellers na kumita ng milyong piso sa loob lamang ng isang araw. Ayon sa Lazada, ito na raw ang pinakamaraming bilang ng sellers nilang nagkaroon ng milyong pisong kita simula nang ilunsad nila ang kanilang sale promos.

Ang kalaban naman ng Lazada na Shopee ay hindi nagbigay ng komprehensibong ulat tungkol sa mga naipagbili nila noong November 11 sale. Gayunman, ayon sa kanilang Facebook account, umabot daw sa higit 70 million items ang nabili sa buong araw ng 11.11 sale.

Loading…