Ordinansang ‘tapat ko, linis ko’ binalewala ng ilang street vendors sa Divisoria

  • Sinurpresa ni Manila City Mayor Isko Moreno ang mga street vendors sa Divisoria sa biglaan nitong inspeksiyon noong Lunes ng umaga
  • Nadismaya ang butihing mayor sa mga nakitang basura 
  • Mahigpit na ipinatutupad sa lungsod ang ordinansang “Tapat Ko, Linis Ko”

Gabundok na mga basura. Ito ang ikinagalit ni Manila City Mayor Isko Moreno nang surpresang mag-inspeksiyon siya sa Ilaya Street sa Divisoria noong Lunes ng umaga, Nobyembre 11.

“Hindi ba kayo nahihiya d’yan o talagang baboy rin kayo sa bahay? Kailangan ko pa kayo sorpresahin? Pinaghahanapbuhay ko na nga kayo,” sinabi ni Mayor Isko sa mga tindera sa Divisoria. Dahil sa pagkadismayang ito ni Mayor Isko, muli niyang pinagbawalan ang mga tindera sa Ilaya na magtinda sa bangketa.

Imahe mula sa Facebook page ng Manila Public Information Office

“Wala, walang kusa. Kung ganiyan din naman ang iiwan sa atin araw-araw, tigil na silang lahat,” dagdag pa ng butihing mayor.

Ipinaliwag naman ni Mayor Isko sa kaniyang naging talumpati sa idinaos na flag ceremony sa araw ding iyon na kailangan na talagang pagbawalan ang pagtitinda ng mga street vendors sapagkat kahit umano sa diplomatikong paraan ng pakikipag-usap sa kanila ay hindi rin umano nakatulong.

“Malulugmok talaga kayo. Binababoy nila eh. Hindi ko maintindihan sa totoo lang. Binigyan mo ng hanapbuhay, nilingon mo, inalis mo ang mga nang-aabuso sa kanila. Wala pa rin,” dagdag pa ni Mayor Isko.

Ang tinutukoy umano ni Mayor Isko na nang-aabuso sa mga street vendors sa Divisoria ay ang illegal organizers na nanghihingi ng ‘lagay’ sa mga tindera sa panahon ng nakaraang administrasyon.

Sinabi rin ni Mayor Isko na dahil panahon na ng Kapaskuhan, marami nang ‘organizers’ ang nanghuhuthot ng pera sa mga illegal vendors upang magkaroon ng puwesto sa Divisoria.

“Manigas kayo! Mga abusado kayo. Mapanlinlang! Ang kaya ninyong linlangin, mga maliliit na tao. Matiyempuhan ko lang kayo. Iba na. Maniwala kayo sa akin. Talagang hindi pala kayo makuha sa diplomasya,” sabi pa ng mayor.

Imahe mula sa Facebook page ng Manila Public Information Office

Mahigpit na ipinatutupad sa Maynila ang isang ordinansa na nagtataguyod sa kalinisan ng lungsod o ang “Tapat Ko, Linis Ko.”

“Ipagpapatuloy natin ang laban sa pagsasaayos, paglilinis at pagpapanatag sa Lungsod ng Maynila. Mananatiling may gobyerno ang Lungsod ng Maynila,” binigyang-diin ni Mayor Isko.

Source :

Facebook

Loading…