Orihinal na composer ng viral song ‘Manok na Pula’, dumulog kay Raffy Tulfo dahil sa ‘umaangkin’ ng kanyang kanta

  • Pumunta na sa show ni Raffy Tulfo ang totoong composer ng viral song na ‘Manok na Pula’
  • Ito ay matapos daw angkinin ng ibang YouTuber ang kanyang composition 
  • Nagkaroon pa sila ng sing-off sa show ni Tulfo upang malaman kung sino ang mas maganda ang bersiyon

Na-LSS ang maraming Pilipino sa parody song na ‘Manok na Pula.’ Dahil sa nakatutuwa nitong lyrics tungkol sa isang sabungerong natalo at nayari sa kanyang misis. Kahit mga hindi marunong magsabong ay napakanta sa awiting ito na umaani na rin ng milyon-milyong views sa YouTube.

Ngunit ang trending song ay nababalot ngayon ng kontrobersya matapos lumabas ang orihinal na composer daw ng kanta. Dumulog siya sa news program ni Raffy Tulfo upang ireklamo ang isang YouTuber daw na umangkin ng kanyang kanta at kumita na raw.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Nakapanayam ni Tulfo sa kanyang programang “Aksyon” si Joemarie Torillo na sinasabing siya raw ang tunay na gumawa ng liriko ng sikat na ‘Manok na Pula.’ Ngunit inangkin daw ng isang Vic Desucatan ang kanyang komposisyon at siya ang nakilala ng mga netizens bilang orihinal na singer ng ‘Manok na Pula.’

In-upload lang daw noon ni Torillo ang kanyang kanta sa Facebook dahil hindi naman daw niya alam na papatok ito. Sinubukan niya lamang daw na gumawa ng isang parody song. Gayunman, nag-upload daw si Desucatan ng cover sa YouTube pero imbes na i-credit si Torillo ay inilagay pa raw ni Desucatan na siya ang gumawa ng liriko.

Kinontak daw ni Torillo si Desucatan at biniro na hindi man lang siya pinasalamatan ni Desucatan sa kasikatan at kitang natamo sa kanyang kanta. Ngunit ayon daw kay Desucatan, wala naman daw siyang nakuhang pera mula sa kanta. Siya pa nga raw ang hinahabol ng management ni Anne Murray, ang singer ng ‘Just Another Woman In Love’ na pinagkuhanan ng tono ng ‘Manok na Pula.’

Sa programa rin ni Tulfo, nagkausap ang dalawang umaangkin sa trending song na ‘Manok na Pula.’ Dito nagpaliwanag si Desucatan na alam naman niyang si Torillo ang orihinal na gumawa ngunit binago niya raw ang ibang titik ng kanta.

Larawan mula sa YouTube video ng TV5

Pero iginiit niya na hindi naman niya inangkin ang kanta; bagkus ang pangalan daw ng video niya ay Manok na Pula cover at inilagay niya raw sa intro ng kanyang video na ‘credits to the owner.’  Sinabi rin niya na hindi siya kumikita sa ads sa YouTube dahil may nagreklamo raw sa copyright ng kanta.

Naging malinaw naman ang lahat at nagkaunawaan ang dalawang aspiring singers. Nagkaroon na lamang sila ng sing-off kung sino ang mas mahusay na umawit ng Manok na Pula na na-enjoy naman pareho ni Tulfo.

Source :

YouTube, Facebook

Loading…