Paalala ng BSP: Sinadyang pagsira ng salaping papel at barya ng Pilipinas may kaakibat na parusa

  • Sinadyang pagsira ng salapi ng Pilipinas may kaakibat na kaparusahan
  • Isinasaad ng PD No. 247 na may multang hindi hihigit sa P20,000 at pagkabilanggong hindi hihigit sa limang taon ang sinadyang pagsira ng salapi ng Pilipinas
  • Hinihikayat ng BSP na isuplong sa awtoridad ang sinumang maninira ng pera ng Pilipinas

Kamakailan lang ay may isang netizen ang nag-post sa social media ng isang ginupit na larawan ng dating pangulong Manuel L. Quezon mula sa salaping papel na bente pesos at idinikit sa pahina ng notebook ng isang batang mag-aaral.

Imahe mula sa BSP

Ayon sa nasabing post, ginawa iyon ng mag-aaral dahil ang assignment na ibinigay ng kanilang guro ay gumupit ng larawan ni Quezon at idikit sa kwaderno. May mga nagpahayag ng paghanga sa bata. Maabilidad daw. Ngunit marami ang hindi natuwa.

Para sa kaalaman ng lahat, labag sa batas ang sadyang pagsira ng salaping papel o barya ng Pilipinas, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Babala ng BSP, ayon sa Presidential Decree No. 247  ay may kaakibat na kaparusahan ang sinadyang pagsira ng salaping papel at barya. Mahigpit din na ipinagbabawal ang pagsusulat o paglalagay ng anumang marka, sobrang pagtupi o paglukot sa perang papel na makaaapekto sa integridad ng istruktura nito.

Bawal din ang sinadyang pagbabad ng salapi sa kemikal na magreresulta sa pagkasira nito.

Ang sinumang lalabag ay pagmumultahin ng hindi hihigit sa dalawampung libong piso (P20,000) at maaaring makulong nang hindi hihigit sa limang taon.

Imahe mula sa BSP

Isinasaad din ng PD No. 247 na ang mga salapi ng ating bansa ay inilabas sa sirkulasyon upang magamit bilang pambayad o panukli. Ang paggamit ng mga ito sa ibang layunin ay pagpapakita lamang ng kawalan ng paggalang sa ating salapi.

Hinihikayat ng BSP ang publiko na ipagbigay-alam ang sinumang sisira ng salapi sa Currency Issue and Integrity Office o sa mga awtoridad.

Source :

Bombo Radyo, BSP

Loading…