Pambihirang uri ng alimango naibenta sa halagang mahigit dalawang milyong piso

  • Nabili sa halagang $46,000 o katumbas ng P2,325,778 ang isang uri ng alimango sa Japan
  • Ang pambihirang snow crab ay may bigat na 1.2 kilograms at may lapad na 5.74 inches
  • Sabi ng nakabili ng napakamahal na alimango ay sulit ang presyong ibinayad dahil siguradong napakasarap niyon

Isang uri ng alimango ang naibenta sa isang auction sa Japan sa halagang $46,000 o katumbas ng P2,325,778.

Screenshot mula sa CNA video

Ang isang male snow crab na tumitimbang ng 1.2 kilograms at may lapad na 5.74 inches ay naisubasta sa Tottori, Japan noong November 7, 2019 sa halagang 5,000,000 yen ($46,000).

Ayon sa Fishery Promotion Division ng Tottori prefecture, iyon na ang pinakamataas na presyong naibayad sa isang snow crab. Nahigitan nito ang dating Guinness World Record ng snow crab na nabili sa halagang 2 million yen noong nakaraang taon.

Si Tetsuji Hamashita, ang presidente ng fishery wholesaler na Hanashita Shoten, ang nakabili ng record-breaking snow crab na binansagang “five shining star.”

Ang napakamahal na alimango ay siguradong mapupunta umano sa mga plato ng very rich diners sa isang mamahaling restaurant sa Ginza; isang yayamaning komunidad sa Tokyo.

Aminado si Hamashita na grabeng mahal ng nabili niyang alimango, pero iyon daw ang nakasanayan na tuwing subastahan. Aniya, nasa three million yen lang ang inaasahan niyang presyo ng alimango.

Screenshot mula sa CNA video

Sigurado naman siya na sulit ang presyo nito sa masarap na lasa ng nabiling snow crab.

“I know it’s extreme. But it’s the custom. But I am sure the taste of the crab matches the price,” sabi ni Hamashita nang kapanayamin matapos ang subastahan.

Ang snow crab ay nabili sa unang araw ng snow crab hunting season na tinatawag sa Japan na “festive quotation market.”

Kadalasang nagsisimula na mataas ang presyo tuwing opening day ng subastahan, pero pinaniniwalaan na masuwerte kapag binili ang “first and best catch” ng hunting season.

Loading…