Panukalang 14th month pay sa private sector workers mabigat para sa maliliit na negosyante – ECOP

  • Medyo may kabigatan para sa micro enterprises ang panukalang 14th month pay sa mga private sector workers
  • Kapag naisabatas ang panukala ay posibleng maraming manggagawa ang mawawalan ng trabaho
  • Si Senator Tito Sotto ang nagsusulong ng panukalang 14th month pay

May kabigatan ang panukalang 14th month pay sa mga manggagawa sa pribadong sektor para sa mga micro-enterprises na bumubuo ng 90% ng lahat ng mga negosyo sa bansa, ayon sa grupo ng mga employers.

Public domain image

Sinabi ni Employers Confederation of the Philippines (ECOP) President Sergio R. Ortiz-Luis, Jr. na hindi kayang ibigay ng maliliit na negosyo ang panukalang 14th month pay sa kanilang mga manggagawa.

“Medyo mabigat para sa mga micro ‘yan,” ani Ortiz sa isang interview na nagsabi pa na sa pagbibigay ng 13th month pay ay nahihirapan na nga ang mga maliliit na negosyo.

Ang mga micro enterprises ay mga negosyong maliit lang ang operasyon. Kadalasang may isang proprietor ito at hindi aabot sa anim na empleyado.

Sabi pa ni Ortiz, kapag naisabatas ang panukala ay posibleng magpataw ng dagdag-singil ang mga micro enterprises sa kanilang mga produkto o serbisyo. Maaari rin na magbawas sila ng manggagawa o kaya naman ay tuluyan nang isara ang negosyo.

Walang problema para sa medium at large enterprises, na bumubuo lang ng 2% ng mga kumpanya sa bansa, na magbigay ng 14th month pay sa kanilang mga workers.

Imahe mula sa ECOP

“Ang problema ay ‘yung 90% ng ating kompanya ay micro. Iyang mga ‘yan, marami riyan sa 13th month pay lang hindi na nakakasunod. ‘Yung legislation, hindi mo na kailangan gawin doon sa mga who can afford it, pero kapag pinilit mo naman ‘yung negosyo who can’t afford it, baka mabawasan tayo ng trabaho,” paliwanag ni Ortiz.

Sabi pa ni Ortiz, kung ang gobyerno nga ay nahihirapang magbigay ng mga insentibo at benepisyo sa mga mamamayan, mas lalong mahihirapan ang pribadong sektor.

“Ang sinasabi nga namin, ‘yung gobyerno hindi nila maibigay ‘yung sinasabi na ganyan (mga insentibo). Paano mo mapipilit sa micro, sa private sector?” aniya.

Ang 14th month pay sa private sector workers ay isinusulong ni Senator Vicente “Tito” Sotto III sa pamamagitan ng Senate Bill No. 10.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Tito Sotto

Loading…