Philippine dragon boat team, itinanghal na kampeon sa isang patimpalak sa Guam

  • Nag-uwi ng anim na championship ang Philippine Dragon Boat Team na SAG1
  • Binubuo ang koponan ng mga propesyonal at tuwing weekend lamang nakapag-eensayo
  • Matapos ang kompetisyon sa Guam, may sasalihan pa ang SAG1 sa Disyembre sa Subic

Habang sumasabak sa Southeast Asian (SEA) Games ang mga atletang Pilipino, ang ilan naman ay naging abala sa pakikipagtunggali sa iba pang mga atleta sa ibang torneo sa ibang bansa. Kabilang sa mga ito ang Philippine Dragon Boat Team na SAG-1 na nakakuha ng mga gintong medalya sa Guam, USA.

Lumahok ang SAG1 Team sa 4th Guam Thanksgiving Day Dragon Boat Festival sa Guam noong Nobyembre 23 hanggang 24 kung saan dalawang dibisyon ang kanilang napagtagumpayan. Nakuha nila ang unang karangalan sa 200 at 400-meter events na ginawa sa dalawang araw ng kompetisyon.

Larawan mula sa Facebook page ng SAG1

Nakuha ng Pilipinas ang top spot sa mixed team division (22-seater) ng 200m at 400m na natapos nila sa mga oras na 2:02.46 at 4:41.27. Wagi rin ang women’s team sa parehong dibisyon. Gintong medalya rin ang nakuha ng SAG1 sa open small boat 12-seater sa parehong 200m at 400m categories.

Sa kabuuan, anim na gintong medalya ang naiuwi ng SAG1. Dahil binubuo ang koponan ng mga propesyonal at may kanya-kanyang trabaho, tuwing weekend lamang sila nakapag-eensayo. Kaya naman hindi inakala ng buong team na sweep ang gagawin nila sa kompetisyon.

Ayon sa team captain ng SAG1 Dragon boat team na si Michael Lara sa isang press release, bagama’t wala silang expectations na malaki sa magiging performance ng team, naniniwala silang ang pagiging masigasig nila sa dalawang buwang training para sa kompetisyon ang nakatulong.

“We were overwhelmed with the results, but I also believe that the two months of hard training by the team lead us to victory,” pahayag ni Lara.

Sabi naman ng kanilang coach na si Ric Nacional na kahit isa silang club team, iniaalay nila ang kanilang tagumpay sa bansa. Sa katunayan, ang mga kababayan daw nila ang kanilang naging inspirasyon upang maging matagumpay sa kompetisyon sa Guam.

Larawan mula sa Facebook page ng SAG1

“Every stroke of our paddles is dedicated to the Philippines. We are grateful to represent our country in international competitions such as this one,” sabi ni Nacional.

Nilahukan ang kompetisyon sa Guam ng iba’t ibang koponan mula sa mga bansang Singapore, Guam, Japan, Hong Kong, Taiwan, at South Korea. Nakatakdang lumahok ang SAG1 sa gagawing Philippine Canoe-Kayak Dragonboat Federation Club Crew Challenge Series 4 sa Disyembre 15 sa Subic.

Loading…