Pinoy Pride: UP Pep Squad, nag-uwi ng 2 medalya mula sa Cheerleading World Championships

Imahe mula sa video ng Cheer MNL via YouTube
  • Nabigo man sa UAAP Cheerdance Competition, bumawi naman ang UP Pep Squad sa ginanap na Cheerleading World Championships sa Japan dahil nag-uwi sila ng dalawang medalya
  • Bumida rin ang UP Pep Squad sa ilang kategorya ng nasabing patimpalak kung saan nasungkit naman nila ang ika-apat na puwesto
  • Bukod sa UP, nag-uwi rin ng bronze medal ang Dance Pull School of Performing Arts na matatagpuan sa Bacolod City

Hindi man pinalad na manalo sa katatapos lamang na 2019 UAAP Cheerdance Competition (CDC), agad na nakabawi ang UP Pep Squad matapos mag-uwi ng mga medalya sa isang international cheerleading competition.

Imahe mula sa ABS-CBN

Naiuwi nila ang silver medal sa All Female Team Cheer category at bronze medal naman sa Mixed Group Stunts category ng dalawang araw na Cheerleading World Championships (CWC) 2019 na ginanap kamakailan lamang sa Takasaki, Japan.

Samantala, nasungkit naman nila ang ika-apat na pwesto sa all female group stunts, mixed team cheer, at cheer dance categories ng nasabing patimpalak.

Bukod naman sa UP Pep Squad, ilang mga Pilipino rin ang nagwagi sa patimpalak. Sina Kira at Xiao mula sa Dance Pull School of Performing Arts sa Bacolod City ang nag-uwi ng bronze sa Urban Cheer Dance Doubles Category.

Wala pang isang linggo ang pagitan ng CWC 2019 sa UAAP CDC kung saan nabigo ang UP na makapasok sa top 3.  Naiuwi ng NU Pep Squad ang unang pwesto, FEU Cheering Squad naman ang ikalawang pwesto, habang ang Adamson Pep Squad naman ang ikatlo.

Sa kabila nito, may hawak pa rin na walong championships at 20 podium finishes ang UP Pep Squad mula nang ilunsad and Cheerdance Competition ng UAAP noong taong 1994.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Sa 2021, muling sasabak ang UP Pep Squad sa CWC.

Tunay na iba ang galing ng Pinoy! Congratulations sa inyo, UP Pep Squad at Dance Pull School of Performing Arts!

 

 

Source :

ABS-CBN News

Loading…