‘Pinoy Tsuper Hero’ pinarangalan

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Itinanghal na ikaapat na “Pinoy Tsuper Hero” si Augusto Pascual, isang tour driver mula sa Tagbilaran City, Bohol
  • Produkto si Pascual ng broken family kaya ipinangako niya sa sarili na hindi daranasin ng kanyang bubuuing pamilya ang kanyang mga pinagdaanan
  • Dalawa pang mga tricycle driver mula sa Tacloban City, Leyte ang pinarangalang first at second runners up

Dahil sa kanyang pagsisikap upang matulungan ang pamilya at komunidad sa kabila ng mga hirap na dinanas, pinarangalan si Augusto Pascual bilang “Pinoy Tsuper Hero.”

Nakatanggap siya ng P100,000 cash prize, P1 milyong halaga ng insurance, at isang bagong sasakyan.

Imahe mula sa Facebook | Augusto Francisco

Kuwento ni Pascual, naging motibasyon niya ang kinalakihang broken family kaya nagsikap siya upang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.

“Dahil ako ay product ng broken family, nakita ko po ang epekto nito. Pero dahil ako ay mahal ng Panginoon, na-guide ako ng Holy Spirit na ‘broken family ka na nga, magrerebelde ka pa, sarili mo lang ang masisira.’”

Si Pascual ang nanguna sa 12,000 nominees mula sa iba’t ibang parte ng bansa matapos sumailalim sa training, interview, at pagsulat ng community project ang mga kalahok.

Tumanggap pa ng karagdagang P100,000 si Pascual para sa kanyang community project na naglalayong magpatayo ng garahe na kumpleto sa mga kagamitan ng mga namamasadang tsuper ng modernong public utility vehicles.

Imahe mula sa Facebook | Pinoy Tsuper Hero

“Overwhelmed ako. Pero alam ko sa sarili ko na pinaghirapan ko ang community project ko. Additional blessing na lang ‘yung [nanguna ako],” pahayag ni Pascual sa ABS-CBN News.

Samantala, nakatanggap naman ng P50,000 cash ang first runner up na si Joseph Membrillo at P30,000 cash naman ang inuwi ni Eusebio Fabia, second runner up. Sila ay mga tricycle driver na kapwa galing sa Tacloban City, Leyte.

Bukod sa mga napanalunan ay nagpasalamat din si Pascual sa pamunuan ng Phoenix Petroleum, ABS-CBN Foundation, at Bayan Academy dahil sa pagkakataon na binigay nila sa mga driver na baguhin ang kanilang masamang imahe.

“Maganda po ang proyektong Pinoy Tsuper Hero dahil ang pangit na imahe ng mga driver na barumbado at walang disiplina ay naaalis. Ngayon ay bumabalik na ang tiwala ng mga tao at kami po ay nagbibigay ng dignidad bilang driver,” pahayag ni Pascual. “Sana kaming mga Pinoy Tsuper Hero from Year 1 to Year 4 ay maging binhi ng mabuting gawain at disiplinadong driver para maibalik namin ang aming magandang imahe, hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.”

Source :

ABS-CBN News

Loading…