Portable water filtration system ng Red Cross ipinadala sa Mindanao para may mainom ang mga biktima ng pagyanig

  • Mga residente ng Kidapawan City kinakapos ng supply ng malinis na tubig
  • Sinabi ng Metro Kidapawan Water District na ilang buwan pa bago maging normal ang supply ng tubig sa lugar
  • Ipinadala ng Philippine Red Cross sa Kidapawan City ang isa nitong portable water filtration system

Matindi ang pangangailangan sa pagkain at tubig na maiinom ang mga residenteng biktima ng pagyanig sa Central Mindanao at Davao Region sa kabila ng pagkilos ng mga ahensya ng pamahalaan upang tugunan ang kanilang mga pangangailangan.

Imahe mula sa Makilala LGU

Marami sa mga residente na pansamantalang nanunuluyan sa mga makeshift tents ang nagtutungo sa mga highway upang manghingi ng tulong sa mga nagdaraang motorista.

Ang mga residente sa Kidapawan City ay nawalan ng tuluy-tuloy na supply ng tubig matapos mapinsala ang mga water pipes at water sources ng local water district doon sanhi ng pagguh0 ng lupa. Umaasa na lang sila sa mga roving water tanks na nagmumula pa sa ibang probinsya sa Mindanao.

Nauna nang sinabi ng Metro Kidapawan Water District na ilang buwan pa bago maging normal ang supply ng tubig sa lugar.

Upang matugunan ang problema ng mga residente sa siyudad ay ipinadala ng Philippine Red Cross ang isa nitong portable water filtration system na may kakayahang linisin at gawing ligtas inumin ang malabong tubig mula sa mga ilog.

Sabi ni Jenny Fe Estor, isang Red Cross personnel, napipilitan ang maraming residente na bumili ng drinking water na mataas ang presyo kaya naman ipinadala doon ang portable water filtration system upang libreng makapagbigay ng malinis na tubig.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

“Other residents end up buying expensive drinking water but if we can produce clean and potable water that we can provide nang libre to the community then why not use it,” aniya.

Ipinaliwanag ni Estor na dumaraan ang tubig-ilog sa five stages ng filtration at purification process.

Sa first two stages ay tinatanggal ang mga dumi mula sa tubig. Pagkatapos noon ay idadaan ang tubig sa sand filter upang maalis ang natitira pang dumi. Susunod na padaraanin ang tubig sa charcoal filter para mawala ang amoy nito. Ang panghuli ay ang paglalagay ng chlorine para ma-disinfect ang tubig.

Hinihintay na lang ng Red Cross ang go signal ng water district upang masimulan na nila ang pamamahagi ng libreng drinking water.

Screenshot mula sa ABS-CBN video
Source :

ABS-CBN, YouTube

Loading…