Presyo ng manok asahang tataas pa habang papalapit ang Kapaskuhan

  • Inaasahang tataas pa ang presyo ng manok habang papalapit ang Christmas season
  • Nasa pagitan ng P170 at P180 ang kasalukuyang selling price ng manok sa mga pamilihan
  • Ang pagtaas ng presyo ng manok ay bunsod ng patuloy na pananalasa ng ASF

Sa gitna ng patuloy na pananalasa ng African Swine Fever (ASF) ay asahan na raw ng publiko ang pagtaas ng presyo ng manok sa mga pamilihan habang papalapit ang Kapaskuhan, ayon sa pamunuan ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Imahe mula sa UNTV

Pahayag ni PSA chief Dennis Mapa, ang pagtaas ng presyo ng manok ay bunsod ng pag-iwas ng karamihan na kumonsumo ng karneng baboy dahil sa pangambang dulot ng ASF.

“What we are seeing now is chicken prices are rising. And so we expect that the price of chicken will continue to increase because there is a shift (in consumption),” sabi ni Mapa sa mga mamamahayag.

Aniya, ang presyo ng manok sa pamilihan sa National Capital Region o Metro Manila ay tumaas ng 7.6 porsyento. Ang kasalukuyang presyong ito ay mas mataas ng 14 porsyento kumpara sa kaparehong buwan ng nakaraang taon.

Maging ang presyo ng karneng baka ay nagkaroon din ng kaunting pagtaas – 0.7 porsyento – dahil kasunod ng manok, ito ang magandang alternatibo sa karneng baboy.

Ang presyo naman ng karneng baboy ay bumaba ng tatlong porsyento dahil na rin sa epekto ng ASF scare.

Samantala, isang grupo ng livestock raisers – ang United Broilers Raisers Association – ang nangako sa publiko na hindi aabot sa P200 kada kilo ang presyo ng manok ngayong Christmas season.

Imahe mula sa Wattagnet

Nasa pagitan ng P170 at P180 kada kilo ang umiiral na presyo ng manok ngayon sa mga pamilihan. Subalit ayon sa grupo, dapat ay P165 per kilo lang ang presyo ng bentahan nito sa mga palengke dahil ang farm gate prices ng buhay na manok ay nananatiling P110-P115 per kilo.

Katwiran naman ng mga chicken retailers, P180 ang bentahan nila sa manok dahil nagtaas ng presyo ang mga middleman bunsod ng high demand.

Source :

Philstar, ABS-CBN

Loading…