Pulis pinuri ng netizens matapos tulungang manganak ang buntis sa loob ng tricycle

Image mula sa ABS-CBN News
  • Snappy salute ang ibinigay ng netizens sa isang pulis na tumulong magpaanak sa isang babae sa loob ng tricycle sa Sorsogon City
  • Si PSSG Godwhin Lladones pala ay isa ring registered nurse kaya naman may kaalaman din ito sa pagpapaanak
  • Matapos manganak, nadala rin ang mag-ina sa ospital na may limang kilometro rin ang layo mula sa tapat ng police station kung saan siya nanganak

Isang ginang ang napaanak habang nasa loob ng tricycle sa Sorsogon City. To the rescue naman sa kanya ang mamang pulis na isa rin palang registered nurse.

Imahe mula sa Facebook | Dhen Lladones

Laking pasasalamat ng netizens at ng inang si Jocelyn Bandola kay Police Staff Sgt. Godwhin Lladones na hindi nag-atubiling tumulong sa kanya.

Sa post ng netizen na si Dhen Lladones, ikinuwento niyang katatapos lang ng flag-raising ceremony nang biglang huminto ang isang tricycle sa tapat ng Sorsogon City Police Station. Humingi raw ng tulong ang tricycle driver dahil manganganak na si Bandola.

Galing daw sila sa Casiguran, Sorsogon at mula sa tapat ng police station ay may limang kilometro pa bago sila makarating sa pinakamalapit na ospital.

Nagkataon naman na registered nurse at dating volunteer sa Sorsogon Provincial Hospital si Godwhin kaya alam nito ang dapat gawin. Gumamit si Godwhin ng office supply para gupitin ang umbilical cord ng bata. Nadala naman sa ospital ang mag-ina na ngayon ay nagpapalakas na.

Sabi ng netizen na si Uardexni Bai, “Sa pangalan mo pa lang sir, na may God, panalo ka na. Salute to you, sir.”

Imahe mula sa Facebook | Dhen Ladones

Hiling naman ng ibang nagkomento, sana ay marami ang tumulad sa kagandahang loob ng pulis: “Naku, sir pagpalain po kayo ng Diyos. Bihira po ang tulad n’yo. Saludo po kaming lahat sa iyo,” sabi ni Rosie Razon.

“Sana maraming katulad mo. Sana rin ay tularan ka ng iba mga pulis na may mabuting pus0, awa, at matulungin,” hiling naman ni Emem Daet Macasojot.

Saludo kami sa iyo, PSSG Godwhin Lladones!

Loading…