Raffy Tulfo nagsalita hinggil sa pagkadismaya sa kanya ng netizens dahil sa ginawa niya sa isang guro

  • Raffy Tulfo nagbigay ng pahayag tungkol sa pagkadismaya sa kanya ng mga netizens
  • Hindi nagustuhan ng mga netizens ang ginawa ni Tulfo sa isang guro sa kanyang programa
  • Inamin niya na nagkaroon siya ng lapse of judgment

Nadismaya ang mga netizens, na ang karamihan ay tagasubaybay ng kanyang programa, sa naging desisyon ni Raffy Tulfo sa isang reklamong idinulog sa kanya.

Screenshot mula sa video ng Raffy Tulfo in Action

Ang guro ay inireklamo ng magulang at lola ng isang estudyante matapos itong palabasin sa silid-aralan dahil hindi nito nadala ang report card. Napahiya umano ang bata, ayon sa mga kaanak nito.

Pinapili umano ni Tulfo ang guro kung kakasuhan sa korte o aalisan ng lisensya sa pagka-guro. Napilitan na lang umanong piliin ng guro na alisan siya ng lisensya. Ito ang ikinagalit ng mga netizens kay Tulfo. Wala raw siyang karapatan na pagbitiwin sa trabaho ang guro.

Sa bagong video ng Raffy Tulfo in Action, inamin ni Tulfo na nagkaroon siya ng “lapse of judgment” sa nabanggit na kaso.

“Ako po bilang mediator, nakapagbitaw ho ako  ng suhestyon. It so happened later on, ‘yung suhestyon na iyon ay hindi pala kaaya-aya sa marami. There was a lapse in judgment and I acknowledge that,” ani Tulfo.

Aniya, binabawi na niya ang kanyang nasabi at ang guro ay hindi na kailangang mag-resign at hindi na nito kailangang matanggalan ng lisensya.

Screenshot mula sa video ng Raffy Tulfo in Action

Sa kabila niyon, nalulungkot daw siya dahil tila maraming netizens ang nakalimot na ang batang estudyante ang tunay na biktima sa nasabing usapin. Kasunod niyon ay binanggit niya ang isang batas na nagbibigay-proteksyon sa mga bata – ang Republic Act No. 7610 o ang “Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.”

Binanggit  din niya na tila nakalimutan na ng marami na ang Department of Education ay mayroong child protection policy na sinasabing may zero tolerance ito sa mga abusong ginagawa sa mga estudyante.

Ang tanging hiling niya sa publiko, siya na lang ang batikusin at huwag na ang bata at pamilya nito. Lubos na raw na naapektuhan ng isyu ang estudyante.

Samantala, nais naman ng grupong  Alliance of Concerned Teachers na humarap si Raffy Tulfo sa administratibo at legal na pananagutan dahil sa aksyon niya. Sinang-ayunan din ng grupo ang naging pahayag ng Department of Education na paglabag sa right to due process ng guro ang ginawa ni Tulfo.

Narito ang video ng statement ni Raffy Tulfo:

Source :

PEP, Philstar

Loading…