Recycled decors: Babae, gumawa ng palamuti sa Christmas tree gamit ang mga lumang CD at papel

  • Gumawa ng recycled na dekorasyon sa Christmas tree ang isang netizen
  • Gumamit siya ng mga lumang CD at papel upang makagawa ng snowflakes para sa Christmas tree
  • Maraming netizen naman ang nakakuha ng tip para sa matipid na dekorasyon ngayong Pasko

Tuwing sasapit ang Pasko, hindi mawawala ang mga dekorasyong magbibigay kulay at ningning sa bawat bahay ng mga Pilipino. Mayroong pinagkakagastusan ang mga palamuti gaya ng Christmas tree, Christmas lights, at mga parol.

Ngunit hindi lahat ay mayroong budget para sa mga dekorasyong pang-Pasko. Dahil sa mahal na rin ng mga bilihin, nasakop na nito maging ang mga materyales na may kinalaman sa Pasko. Pero hindi nagpapigil ang isang babae upang bigyang kulay ang kanyang Christmas season. Gumawa kasi siya ng mga palamuti gamit ang recycled materials.

Larawan mula sa Facebook account ni Maricel Baliatan

Ibinahagi ng netizen na si Maricel Baliatan sa Facebook group na Buhay Zero-Waste, ang ginawa niyang dekorasyon sa kanilang Christmas tree. Gawa ito sa mga lumang CD na pinatungan ng cut-out ng snowflakes mula naman sa mga lumang papel.

“Turn old CD and used papers into DIY Christmas decor… Add an old glittery ribbon to make it more attractive,” sabi ni Baliatan sa kanyang post.

Marami naman ang natuwa sa pagkamalikhain ni Baliatan. Nakamamangha kasi ang ganda ng kabuuan ng kanyang upcycled Christmas tree. Kahit simple lang ang mga materyales na ginamit, napakaganda ng pagkakagupit niya sa snowflakes.

Marami tuloy ang nais magpaturo sa kanya kung paano niya ginupit ang mga lumang papel at ginawang snowflakes. Pangako ni Baliatan, ibabahagi naman niya sa susunod ang paraan ng paggupit. Pero inilahad niya rin na nakuha niya ang ideya sa ilang video sa YouTube.

Larawan mula sa Facebook account ni Maricel Baliatan

Nagpasalamat din ang mga netizen sa magandang ideya para sa Christmas decor. Maliban daw kasi sa makatutulong na ito sa kalikasan, ay makaiiwas din sa dagdag gastos. May ilan ding nagbahagi ng kani-kanilang ideya para sa iba pang palamuti ngayong Pasko.

“Hi ma’am. Try to sprinkle it with glitters. It will look more fantastic. I did that last Christmas in my classroom,” suhestiyon ng isang netizen.

Loading…