Ride in Peace: Sasakyang gawa sa kabaong, bumibiyahe sa lansangan sa Cebu

  • Trending sa social media ang isang kakaibang sasakyan sa Mabolo, Cebu
  • Isang sasakyang kabaong kasi ang bumibiyahe sa nasabing bayan
  • May pakahulugan naman ang netizen sa nasabing sasakyan

Kamakailan ay nag-trending ang Halloween episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) tungkol sa nakatitindig-balahibo raw na pagpapakita ng flying kabaong sa ilang residente sa Catanduanes. Iba-iba ang naging reaksyon ng mga netizens sa kuwentong ito at naging meme pa sa social media. May mga nagdududa kung totoo ba ang istorya habang ang ilan namang nakapanayam ng programa ay sigurado raw sa kanilang nakita.

Pero sa Mabolo, Cebu, kumpirmado na isang kabaong ang bumibiyahe sa ilang kalsada roon. Trending na rin sa social media ang isang sasakyan na gawa sa kabaong na nakuhan ng isang netizen. At tulad ng viral KMJS episode, marami ring netizens ang nagbigay ng kani-kanilang opinyon at komento tungkol sa bumibiyaheng kabaong.

Larawan mula sa Facebook account ni John Kiamco

Ibinahagi ng netizen na si John Kiamco ang maikling video ng isang lalaking sakay ng sasakyang kabaong. Nakasalubong niya raw ito sa isang kalye sa Mabolo at dahil sa tuwa ay kinuhanan niya ito ng video at inupload sa kanyang Facebook account.

Nang kausapin ni Kiamco ang driver ng umaandar na ataul, isang peace sign lamang at ngiti ang ibinigay nito. Tila naging fan naman na si Kiamco ng sasakyang iyon dahil matapos i-upload ang video, muli siyang nag-post ng picture ng kakaibang sasakyan sa kanyang account. Sa pagkakataong ito ay nakaparada na ito at kitang-kita ang motor na nagpapaandar dito.

Agad namang nakuha ng post ni Kiamco ang atensyon ng maraming netizens kaya naman saglit pa lamang naka-upload ang video ay umani na ito ng maraming reactions, views, at shares.

Sabi ng mga netizens, astig daw na makasalubong ang umaandar na ataul kapag may araw pa. Ngunit kapag kumagat na raw ang dilim, lalo na  kapag madaling araw ay hindi mo na raw gugustuhing makasalamuha sa daan ang sasakyangg tulad nito.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

“Diyos ko. Paano naman pag nakasalubong mo ito sa madaling araw? Kakaripas na lang ako ng takbo. Lakas maka h0rr0r film! Hahahaha,” sambit ng isang netizen.

Ang ilan naman ay nabigyan pa ng makabuluhang rason ang paglalakbay ng sasakyang kabaong sa kalsada. Ibig sabihin daw nito ay kailangang maging marahan lamang at maingat sa pagmamaneho o “ride in peace” upang hindi ka maihatid agad sa iyong huling hantungan.

Source :

Facebook

Loading…