Sa smart parking system ng SM mapapadali na ang paghahanap ng parking slot sa mall, puwede ring magpa-reserve ng slot

  • Kauna-unahang smart parking system inilunsad ng SM
  • Ang SMart Parking ay nasa 2nd floor hanggang 6th floor ng NU MOA
  • Bukas araw-araw ang SMart Parking 6am-10pm at may fixed rate na P50

Naranasan mo na ba na mapagod sa pagmamaneho dahil sa tindi ng trapiko patungo sa mga mall sa Metro Manila at pagdating sa parking lot sa mall ay mababanas ka pa sa tagal ng paghahanap ng parking slot?

Imahe mula sa Top Gear Philippines

Bukod sa matinding Metro Manila traffic, isa sa mga parusa para sa mga motorista ang humanap ng pagpaparadahan ng sasakyan. Ito ang nais tugunan ng SM sa paglulunsad nito ng SMart Parking System sa National University Mall of Asia (NU MOA).

Ang bagong SMart Parking System ay naka-install sa 2nd floor hanggang sa 6th floor ng NU MOA (katabi lang ito ng S’Maison sa Conrad Manila). May planong ilagay ang high-tech parking system na ito sa iba pang mga gusali sa MOA Complex at sa mga pangunahing SM malls.

Gumagamit ng car recognition software ang Smart Parking kung saan sa entry at exit points ng parking lot ay may naka-install na smart camera na makaka-recognize ng plate number ng sasakyan.

Ang ibig sabihin nito, kung nagpa-reserve ka ng parking slot at nakarehistro ang plate number ng sasakyan mo sa system ay awtomatikong magbubukas ang gate ng parking lot para sa iyo.

Screenshot mula sa SM Supermalls video

Sa bawat parking slot ng Smart Parking ay may CCTV camera upang agad na malalaman kung bakante o okupado ang slot.

Para sa mga makakalimutin, may “Find My Car” service na alok ang SMart Parking. Lumapit lang sa Parking Concierge para humingi ng tulong. Ilang sandali lang ay mahahanap na kung saan mo ipinarada ang sasakyan mo.

May ilan pang serbisyong alok ang Parking Concierge tulad ng pagpapalit ng flat tire, nadiskargang baterya, auto mechanical at electrical services, towing services, locksmith services, car cleaning, ambulance services at police assistance.

Bukas araw-araw ang SMart Parking mula alas-sais ng umaga hanggang alas-diyes ng gabi. Naka-fixed sa P50 ang parking fee.

Screenshot mula sa SM Supermalls video

Loading…