Sanggol tinangay ng yaya na galing lamang sa isang Facebook group

  • Tinangay ng isang yaya ang kanyang alagang limang buwang gulang na sanggol
  • Isang linggo pa lamang daw ang yaya sa pamilya Victoriano nang gawin ang pagtangay
  • Pinuntahan na ng PNP sa sinabing address ang yaya ngunit hindi raw ito doon nakatira

UPDATE: Nitong hapon ng Nobyembre 14 lamang, naibalik na si Baby Taylor sa kanyang mga magulang sa pamamagitan ng radio show na Raffy Tulfo in Action. Ibinalik ni Salik ang bata sa mga magulang nito matapos silang manawagan sa programa ni Tulfo.

Isang limang buwang gulang na sanggol ang tinangay ng kanyang yaya sa Barangay Bambang, Taguig City. Na-hulicam sa CCTV ng barangay ang ginawang pagtangay sa kaawa-awang bata ng kanyang tagapag-alaga na nakuha lamang daw ng mga magulang sa pamamagitan ng social media site na Facebook.

Kinilala ang sanggol na si Taylor Hayley Victoriano at ang yaya naman nitong si Kristine Joy Salik, 34 anyos. Ayon sa pahayag ng ina ni baby Taylor na si Princess Jean Perrin, isang linggo pa lamang daw sa kanila si Salik na huling nakita noong Nobyembre 13 ng umaga sa kanilang bahay.

Larawan mula kay Princess Jean Perrin

Nais na raw sanang kunin ni Perrin at kanyang asawang si Jeric Victoriano ang bata mula sa yaya ngunit tumanggi raw ito. Sinabi niyang siya na muna ang bahala sa bata upang makapagpahinga silang mag-asawa na pagod sa trabaho.

Ngunit paggising daw nila, wala na raw ang yaya at ang bata at naiwang bukas ang mga appliances tulad ng TV at electric fan. Dito na raw kinutuban ang mag-asawa sa hindi magandang ginawa ni Salik sa bata. Agad silang nagtungo sa barangay at nakita ang CCTV footage ng pagtangay ni Salik sa kanilang sanggol.

Agad namang nagsagawa ng follow-up operations ang PNP Taguig at pinuntahan ang address ni Salik sa San Mateo, Rizal ayon sa ipinasang BIR ID nito sa kanyang mga amo. Gayunman, wala raw tumutugmang lugar sa address na ibinigay ni Salik at hindi rin siya kilala ng mga tao sa lugar.

Ayon sa PNP, malamang daw ay peke ang pagkakakilanlan ni Salik at maging ang mga dokumentong ibinigay niya sa kanyang mga amo. Pahayag ng ina ng sanggol, nakuha niya lamang daw si Salik sa isang Facebook group ng mga naghahanap ng kasambahay. Si Salik daw ang unang nag-message kay Perrin at agad naman daw niya itong tinanggap dahil marami naman daw employer sa FB group na nakakuha ng maayos na yaya.

Larawan mula kay Princess Jean Perrin

Nitong hapon ng Nobyembre 14 lamang, naibalik na si Baby Taylor sa kanyang mga magulang sa pamamagitan ng radio show na Raffy Tulfo in Action. Ibinalik ni Salik ang bata sa mga magulang nito matapos silang manawagan sa programa ni Tulfo.

Ayon kay Salik, natakot lamang daw siya na ibalik ang bata dahil kumalat na sa social media na dinukot niya ito. Isinama niya lang daw ang sanggol sa mall dahil kumuha siya ng perang ipinadala sa kanya.

Gayunman, kahit humingi na ng paumanhin at nagpaliwanag ang kasambahay,  hindi naniniwala ang mga magulang ng bata sa alibi ni Salik. Itutuloy daw nila ang kasong naisampa na ng PNP laban sa yaya ng bata.

Payo naman ng mga awtoridad, huwag basta-basta magtitiwala sa mga nakikilala online lalo na kung patutuluyin ito sa mga tahanan natin at pagkakatiwalaan sa ating mga anak. Mas mabuti raw na kumuha ng kasambahay na personal at matagal nang kakilala. Inaalam pa rin ang tunay na motibo sa pagtangay sa bata.

Loading…