Sasakyang pag-aari ng Lungsod ng Maynila, ginagamit na pang-deliver ng beer

Screenshot mula sa video ng BITAG Official via YouTube
  • Dalawang sasakyang pag-aari ng Lungsod ng Maynila ginagamit sa pansariling interes
  • Ang isang Toyota Revo na naka-assign sa isang barangay sa Malate ay ginamit na pang-deliver ng beer sa isang resto-bar
  • Ang isang Ford Ranger na naka-assign sa Office of the City Administrator ay ginamit na pangsundo sa Korean national na kliyente ng resto-bar

Dalawang sasakyan na pag-aari umano ng pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang nadiskubreng ginagamit sa pansariling interes.

Screenshot mula sa video ng BITAG Official via YouTube

Ang isa sa mga naturang government-issued vehicles ay isang kulay pulang Toyota Revo na may plate number SFG 778.

Batay sa video na ibinahagi ng BITAG, isang concerned citizen ang nagbigay ng impormasyon na ang naturang sasakyang na may kulay pulang license plate, na nagpapahiwatig na iyon ay government vehicle, ay madalas makitang nakaparada sa harap ng Yakitori Dori; isang resto-bar sa Malate, Maynila.

Nakita sa video na ang kulay pulang Toyota Revo ay ginagamit na pang-deliver ng beer sa naturang establisimyento. Ang sasakyan ay naka-assign umano sa isang barangay sa Malate.

Bukod sa Revo, isa pang government-issued vehicle – isang Ford Ranger na may plate number na SAA 3678 – ang nakitang pumarada sa harap ng naturang bar sa Malate. Ang nasabing sasakyan ay may sinundo umanong isang Korean national na parukyano ng Yakitori Dori.

Screenshot mula sa video ng BITAG Official via YouTube

Napag-alaman na ang Ford Ranger ay naka-assign kay Manila City Administrator Felixberto Espiritu at ang Yakitori Dori ay pag-aari ng anak ng city administrator, ayon na rin sa nasabing city official.

Sa ulat ng Abante, sinabing nakarating kay Mayor Isko Moreno ang hindi awtorisadong paggamit ng Ford Ranger at pinabawi niya umano iyon mula sa Office of the City Administrator.

Screenshot mula sa video ng BITAG Official via YouTube

“Okay lang sana kung pang public purpose, pero kung hindi ‘di dapat ginagamit ang government resources para sa pansariling interes,” ayon sa alkalde.

Aalamin umano ni Mayor Isko kung empleyado ng city hall ang driver ng Ford Ranger. Tiyak daw na hindi niya palulusutin ang mga taong sangkot sa paggamit ng government vehicles sa pansariling interes.

“Ipinagpapasalamat ko sa mga netizen ang pagpapadala ng mga reklamong ganito. Dapat na maging aral sa lahat na hindi dapat gamitin ang resources ng gobyerno sa pansarili,” ani Mayor Isko.

Loading…