Scriptwriter ng “Joker” at director ng “Crazy Rich Asians” kinausap si Arnel Pineda para sa biopic

  • Bagong detalye tungkol sa biopic niya, ibinahagi ni Arnel Pineda
  • Kinausap siya ni Scott Silver, ang scriptwriter ng “Joker”, at ni Jon M. Chu, director ng “Crazy Rich Asians”
  • Sa susunod na taon ay may world tour ang American rock band na Journey 

Halos isang taon na ang nakalipas nang unang kumalat ang balita tungkol sa Hollywood film na gagawin ni Arnel Pineda tungkol sa buhay niya. Sa isang panayam sa kanya, may ilang bagong detalye na ibinahagi si Arnel tungkol sa nasabing pelikula.

Imahe mula sa Platinum list

Aniya, hindi pa tapos ang biopic, subalit kamakailan lang ay kinausap daw siya ni Jon M. Chu, ang director ng hit romantic-comedy movie na “Crazy Rich Asians”, na siya rin umanong director ng pelikula niya, at ni Scott Silver, ang scriptwriter ng top-grosser movie na “Joker.”

“Ayun, ininterview na nila ‘ko. Pero, marami pa kaming gagawin. I need to get into a lot of details kasi antagal na, eh,” ani Arnel.

“’Yung movie kasi na gagawin, ‘yung biopic ko,…they’re going to explore magmula nu’ng may sakit ang nanay ko, ‘yung pinagdaanan namin — pinapaalis na kami sa inuupahan namin kasi hindi na kami nakakabayad—hanggang sa namatay na ‘yung mother ko. Tapos hanggang sa magkahiwalay-hiwalay kami hanggang sa makasali ako sa ‘Yamaha World Band Explosion…’” sabi pa ng Pinoy frontman ng American rock band na Journey.

Ipakikita raw sa pelikula ang mga hirap na napagdaanan niya kabilang na ang pagkawala ng boses niya dahil sa mga bisyo niya.

Screenshot mula sa video ng PEP

Wala pa umanong title ang ginagawang biopic, pero nagbiro si Arnel na parang gusto niyang “Crazy Little Asian” ang maging pamagat.

Nakatakdang magkaroon ng world tour si Arnel kasama ang bandang Journey. Sixty two shows ang gagawin nila simula May hanggang September 2020. Makakasama rin sa tour ang isa pang American rock band na The Pretenders.

Loading…