Sen. Recto humingi ng ebidensya sa DENR na nakapagtanim ito ng 1.8 billion trees na pinondohan ng P39 billion

  • DENR hinahanapan ng pruweba na nakapagtanim ng 1.8 billion trees sa ilalim ng National Greening Program nito
  • Ang programa ay nakatakdang mapagkalooban ng halos 100% budget increase para sa taong 2020
  • Sabi ni Sen. Recto, bago aprubahan ang budget increase ay dapat ipakita ng DENR ang naitanim na mga puno

Hinihingan ni Senator Ralph Recto ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng katunayan na nakapagtanim ito ng 1.8 billion na puno sa ilalim ng programa nitong National Greening Program.

Imahe mula kay Sen. Ralph Recto

Ang hiling ni Sen. Recto sa DENR ay kaugnay ng halos 100% proposed budget increase sa greening program para sa taong 2020 – mula sa P2.6 billion ay itataas sa P5.15 billion.

Aniya, bago aprubahan ng Senado ang proposed budget increase ay dapat na magbigay ang DENR ng pruweba.

Mistulang “protected species” umano ang budget para sa National Greening Program samantalang ang budget para sa kalusugan, sa Philippine General Hospital, at college scholarships ay kinaltasan.

Napakalaking proyekto ng greening program, sabi ng senador. Mula taong 2011 hanggang 2019 ay may budget ito na P38.9 billion. Sa halagang iyon, dapat ay nakapagtanim na ito ng 1.807 billion trees sa 2.141 million hectares na lupain sa loob ng siyam na taon na matatapos sa December 2019.

“Dahil ‘di pa tapos ang 2019, tingnan na lang natin ang planting scoreboard from 2011 to 2018: 1.669 billion of trees planted in 1.998 million hectares of land,” aniya.

Screenshot mula sa video ng DENR-PENRO NGP

Ang halos 2 million hectares na lupain ay katumbas ng 32 beses ng land area ng Metro Manila o kaya naman ay 4 times ng laki ng Cebu Island.

“If NGP is to be believed, ganito na kalawak ang tinamnan nila ng puno,” sabi ng mambabatas.

Matapos mabilang ang mga punong itinanim, panahon na raw para ipakita ng DENR ang gubat.

“The carpet of green from sea to shining sea. Ilabas na ang NGP map. The proof of the planting is in the photos. Ipakita sa aerial maps, before and after photos, ang resulta ng isang P38.9 billion project,” hamon ni Sen. Recto sa ahensya.

Screenshot mula sa video ng DENR-PENRO NGP

Sakaling 62% ng mga punla na itinanim ang hindi nabuhay, nananatiling napakalaki pa rin dapat ang reforested lands. Maaring hindi pa gaanong malalaki ang mga  puno, subalit hindi na iyon mga maliliit na usbong para mahirap makita.

“What we have been shown so far is a forest of newsprint of reports and vouchers of spending on NGP. Show us the actual greenery,” anang senador.

Tama nga naman!

Loading…